MATUTUNGHAYAN ng local motor race enthusiast ang gilas at kahusayan ng ipinagmamalaking Thai racer sa pagharurot ng King of Nations Philippines 2018 (KONPH2018) -- final round ng King of Nations Asia ProSeries 2018 – sa Mayo 25-27 sa Clark International Speedway.
Ibibida ang Thailand’s PTT RD-2 Drift Team, sentro ng atensyon ang 23-anyos na si Wuttitat “Keng” Pankumnerd, matapos ang impresibong first runner up at second runner up na pagtatapos sa Round 3 at 4 sa Thailand leg ng drifting competition.
Tinaguriang “The Little Wizard”, napatanyag si Keng sa kanyang determinado at agresibong istilo sa pagharurot sakay ang pambatong Rtro car Toyota KE30 na may 2JZ turbo engine 700 HP.
Sa ipinamalas na podium finish sa Thailand series, inaasahang madodomian rin ng PTT drifter ang maaksiyong ratsadahan sa final leg ngayong weekend.
Kabilang sa inaasahang magbibigay ng matinding laban kay Keng sina Charles Ng ng Hong Kong, Daigo Saito, Hirohide Tanaka, Keiichiro Kadekaru, at Toni “HalfBreeds” Arakaki ng Japan, gayundin si Nasser Almutairi ng Kuwait.
Sasabak din sa pamosong international drifting championship ang mga matitikas na professional Filipino talents, sa pangunguna ng 19-anyos na si Luis Gono, veteran David Feliciano at king of bodykits Atoy Llave.
Mapapanood ang mga Pros sa karera sa Sabado at Linggo, habang isasagawa ang kompetisyon para a mga local racers sa Biyernes.
Sa mga nagnanais masundan ang resulta at updates ng karera, makikita sa Facebook account ng PTT Philippines at PTT Lubricants PH. Para sa mga tagahanga ni Keng, masusundan ang kanyang aksiyon sa PTT Motor Sports Facebook account o sa kanyang Instagram kengptt65.