Naging laman ng mga balita sa Dublin nitong Sabado ang pagkamatay ni Jastine Valdez, 24-anyos na Filipina student sa Ireland.
Ayon sa ulat ng Gardai, ang pulisya ng Republic of Ireland, pinatay sa sakal si Valdez matapos itong dukutin habang naglalakad sa tabing kalsada sa Wicklow county, may 60 kilometro ang layo mula sa timog ng kabiserang Dublin.
Iniulat ng mga saksi na nakita nila ang isang babae na kinaladkad papasok sa itim na compact SUV Nissan Qashqai, kung saan natagpuan din ang bangkay ni Valdez kinahapunan ng Lunes sa Rathmichael County, sa timog ng Dublin.
Isang sulat ang nakalagay sa sasakyan ngunit hindi inilahad ng pulisya ang detalye.
Ipinakita sa police sketches nitong Sabado na dakong 5 p.m., umalis si Valdez sa kanyang pinagtatrabahuang café sa Bray at sumakay ng bus pauwi sa Enniskerry.
Makalipas ang isang oras, habang naglalakad sa Kilcroney Road patungo sa kanyang tinitirhan, dinukot siya ng suspek na kalaunan ay nakilalang si Mark Hennessy, 40-anyos.
Iniulat ng kanyang pamilya na nawawala si Valdez dakong 11:30 ng gabi noong Sabado at doon lamang natukoy ng Gardaí ang identity ng babae na iniulat na nakita ng mga saksi.
Dakong 8 p.m. nitong Lunes nang matagpuan ng pulisya ang sasakyan ng suspek. Ngunit nang kanila itong lapitan ay nakipagbarilan ang salarin hanggang sa mabaril at mapatay ng mga Irish police.
Sumunod si Jastine sa kanyang mga magulang na sina Danilo at Teresita Valdez sa Ireland tatlong taon na ang nakalipas makaraang magtapos ng kursong accountancy sa Aritao, Nueva Vizcaya. Nanirahan ang kanyang mga magulang sa Ireland noong 1985 at naging naturalized Irish citizens.
Inilarawan ng mga kaibigan at kamag-anak si Jastine na “quiet, unassuming temperament.”
Nagpahayag ng pakikiramay kahapon ang Department of Foreign Affairs sa sinapit ni Valdez at sinabi ni Secretary Alan Peter S. Cayetano na puspusang mino-monitor ng Embahada ng Pilipinas sa London at ng Honorary Consulate sa Dublin ang kaso.
-ROY C. MABASA at BELLA GAMOTEA