NAHAHARAP sa mabigat na parusa at karampatang multa ang ilang players ng Rain or Shine at Globalport matapos masangkot sa nangyaring gulo sa kanilang laro nitong Linggo na pinagwagihan ng Paint Masters, 96-90.

Ngunit, ang nasabing mga sanctions at multa ay saka pa lamang malalaman pagkatapos ng PBA All-Star Week.

Bago tumulak patungong Davao noong Lunes, sinabi ni PBA commissioner Willie Marcial na ipapatawag niya ang mga sangkot na players na kinabibilangan nina Raymond Almazan, Kelly Nabong, Maverick Ahanmisi, Malcolm White at Chris Tiu.

Matatandaang itinulak ni Nabong si Ahanmisi na di nagustuhan ng huli habang tinamaan ng siko ni White si Tiu na naging dahilan ng panandaliang pagkahilo ng all-star forward.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Ipapatawag ko sila lahat, but after the All-Star (games) na,” pahayag ni Marcial. “But if I get the chance to talk to them during the All-Star festivities, kausapin ko na rin sila.”

Ayon pa kay Marcial, hindi rin makakaligtas sa parusa ang mga referees na naka-assign sa naturang laban.

Hindi naitago ni Marcial ang pagkadismays sa kabiguan ng mga game officials na tawagan ng flagrant foul si Almazan nang sikuhin nito sa mukha si White sa second half.

Ayon pa sa PBA chief, pag aaralan ng technical committee kung intentional ang ginawa ni Almazan.

-Marivic Awitan