PINANOOD ng milyun-milyong tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang pag-iisang dibdib nina Prince Harry ng Great Britain at American actress Meghan Markle nitong Sabado.

Gaya ng ibang maharlikang kasalan, napuno ito ng kulay at pasiklaban. Ngunit higit dito, ay ang dalawang tao na kabilang sa pagdiriwang na katangi-tangi ang katangian—isang prinsipe na piniling makipaglaban kasama ng iba pang ordinaryong sundalo ng Britanya sa Afghanistan at isang artista mula Amerika na lumabas sa isang teleserye sa loob ng pitong taon. Hindi siya tulad ng ibang prinsipe—siya ang ikalawang anak na lalaki ng minamahal na si Princess Diana. At hindi rin siya ordinaryong babae mula sa Amerika—siya ay anak ng isang babaeng African-American.

Dahil dito, dumagdag sa nakasanayan nang mga maharlika ng Britanya-- ang ilang kaibigan ni Harry sa digmaan at ilang sikat na artista mula sa mundo ni Meghan—sina Oprah Winfrey, George at Amal Clooney, Elton John, at Serena Williams.

Ang naging kasalan sa St. George Chapel sa Windsor ay alinsunod sa ritwal at tradisyon ng Anglican, na pinangunahan ni Archbishop of Canterbury Justin Welby, ngunit ang pangaral na tungkol sa madamdaming mensahe ng pamamahal na maaaring bumago sa mundo ay ibinahagi ng African-American na pinuno ng Episcopal Church, si Most Rev. Michael Bruce Curry. Kasama ng himno ng tradisyunal na Anglican church na inawit sa pagdiriwang ay ang American musical selection na inawit ng koro mula Amerika.

Para sa marami, kabilang ang milyun-milyong sumubaybay sa buong seremonya sa buong mundo, marami sa Pilipinas, hindi lamang ito isang makulay na kasalan ng mga maharlika sa isang kastilyo na naging tahanan ng mga naging hari ng Britanya sa nakalipas na libong taon. Ito ay oras ng pagbabago sa kalagayan, sa katauhan ni Meghan, anak ng isang babaeng African-American, na ngayon ay bahagi na ng kaharian ng Britanya.

Ito rin ay pagtanggap ng pagbabago mula sa nakasanayan nang ulat tungkol sa matinding karahasan mula sa iba’t ibang panig ng mundo—ang walang katapusang digmaan sa Syria, ang usapin ng digmaan sa pagitan ng Iran at Israel, ang bagong insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Estados Unidos, ang walang-katiyakang Trump-Kim summit at dito sa ating bansa, ang ‘di matapos-tapos na palitan ng akusasyon sa Kongreso, sa Hudikatura at aksiyon at proklamasyon ng Ehekutibo.

Sa loob ng ilang oras nitong Sabado ng gabi sa Maynila, at sa mga tahanan sa iba’t ibang bahagi ng mundo iba-iba man ang oras, milyun-milyong tao ang sumubaybay sa maharlikang kasalan nina Prince Harry at Meghan Markle, na itinuring na isang simbolo ng pag-asa ng kapayapaan, para sa higit na pagkakapantay-pantay, para sa pagkakaisa ng pamilya.