INIHAYAG ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang buwan ang pagtatalaga niya ng opisyal sa dalawang mahahalagang puwesto sa gobyerno: Si dating Metro Manila police chief Director Oscar Albayalde bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) kapalit ng nagretirong si Director General Ronald “Bato” dela Rosa, at si Lt. Gen. Carlito Galvez bilang Armed Forces Chief of Staff kapalit ni Lt. Gen. Rey Leonardo Guerrero, na nagretiro nitong Abril 18 makalipas ang anim na buwan sa puwesto.
Parehong mahalaga ang mga nasabing appointment dahil ang nasabing mga posisyon ay kritikal sa pagpapatupad ng mga pangunahing programa ng administrasyon, sa pagsusulong ng kapayapaan at kaayusan sa bansa, gayundin sa pagtiyak sa ating pambansang seguridad.
Iniulat ng ilang pahayagan na kinonsulta ng Pangulo ang opinyon ng ilang taga-Davao City tungkol sa kung sino ang dapat na pumalit kay General Bato at nang mabanggit ang pangalan ni Albayalde, ay humindi ang mga ito dahil ang nasabing opisyal ay “too strict”. Gayunman, itinalaga ng Presidente si Albayalde, isang pasyang labis kong sinusuportahan.
Napakahalaga ng papel ng PNP sa pagsasakatuparan sa mga pagsisikap ng Pangulo upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng pagsawata sa kalakalan ng ilegal na droga at pagtugon sa iba pang mga uri ng krimen na may kaugnayan dito—pagpatay, panggagahasa, pagnanakaw—bukod sa pagsasalba sa mga pamilyang Pinoy laban sa mga negatibong epekto ng ilegal na droga.
Subalit sa pagpapatupad ng giyera kontra droga, kailangang linisin muna ng PNP ang hanay nito laban sa ilang ‘ika nga’y mga napahalong bulok na kamatis na maaaring makasira sa reputasyon ng mayorya ng puwersa ng pulisya, na tapat sa tungkulin at determinadong magsilbi at protektahan ang publiko. Ang imahe at kredibilidad ng pulisya ay kasing halaga ng propesyunalismo at kahusayan nito sa pagtiyak na magiging matagumpay ang kampanya kontra droga.
Ito mismo ang ginawa ni General Bato nang ang ilan niyang tauhan ay sinuspinde, sinibak at may ilan pang sinampahan niya ng kaso dahil sa pag-abuso sa kapangyarihan. Kailangan natin ang isang “too strict” upang ipagpatuloy ang trabahong ito; para matiyak na mapapanatili ang mga napagtagumpayan na ng pulisya sa pagpapatupad ng giyera kontra droga.
Maraming beses ko na itong nabanggit, maging noong 2016 presidential campaign, na ang kapayapaan at kaayusan ay isang mahalagang usapin para sa mamamayan at mahalagang matugunan ng ihahalal na pangulo upang makapanabay sa pagsigla ng ating ekonomiya. Nahalal si Pangulong Duterte dahil ang pangako niyang ito ang pinakatumatak sa karamihan ng mga botante.
Ang pagiging seryoso at determinado ng paninindigan ni Pangulong Duterte laban sa mga nagnanais na maghasik ng gulo—partikular na ang mga drug lord—ay nakapamerhuwisyo nang malaki sa mga operasyon ng mga awtoridad laban sa ilegal na droga, at nagbigay-daan upang mabawasan ang pangamba ng maraming komunidad para sa kanilang kaligtasan.
Gayundin naman, mahalaga ang AFP dahil ito ang nakatokang ipagtanggol ang soberanya at seguridad ng ating bansa. Makaraang lipulin ang grupo ng mga lokal na terorista na sumalakay at pansamantalang kumubkob sa Marawi City, pinatunayan ng ating mga sundalo na kaya nilang talunin ang mga kalaban. Ang tagumpay ng militar laban sa Maute Group ay isang malinaw na senyales ng pagiging seryoso ng bansa sa pagtugon sa terorismo.
Subalit mahalagang hindi tayo makampante. Tumindi pa ang banta ng terorismo sa Timog-Silangang Asya. Mayroong mga indikasyon na umigting pa ang presensiya ng Islamic State in Iraq and Syria, o ISIS, sa rehiyon. Ayon sa mga security expert, ang Marawi Siege gayundin ang pag-atake ng mga terorista sa Jakarta, Indonesia ay paunang pagkilos pa lamang ng ISIS at ng mga kasangga nitong grupo sa rehiyon.
Isang malaking hamon para kay General Galvez ang tiyaking handa ang ating sandatahang lakas na harapin ang anumang banta sa ating seguridad laban sa mga terorista at iba pang masasamang elemento. Partikular na kailangang sanaying muli ang ating mga sundalo, mula sa pagkakaroon ng mga anti-insurgency unit hanggang sa mga puwersa na kayang makipagsabayan sa mga bagong taktika at estratehiya ng mga terorista, na nagsasagawa ng epektibong urban warfare at social media propaganda upang maisulong ang nais nito.
Perpekto naman si Gen. Galvez para sa tungkuling ito. Bilang dating pinuno ng Western Mindanao Command, malawak ang kanyang karanasan sa pagtugon sa mga kaguluhan sa Mindanao, gayundin sa mga pagpupursige para maisulong ang kapayapaan sa rehiyon. Kaya naman hindi kataka-takang maraming sektor, partikular na sa Muslim Mindanao, ang nalugod sa pagkakatalaga niya sa puwesto.
Labis kong ikinatutuwa ang appointment ng dalawang magigiting na bagong pinuno ng PNP at AFP, at hinahangad ko ang pinakamabuti sa pagtupad nila sa kani-kanilang bagong tungkulin.
-Manny Villar