Aabot sa 24 na pamilya ang nadamay sa sunog makaraang paliyabin ng isang lalaki ang kanyang kuwarto sa Navotas City, nitong Lunes ng gabi.

Agad inaresto ang suspek na si Vergel Balera, 35, ng North Bay Boulevard North ng nasabing lungsod.

Ayon kay Balera naburyong siya nang iwan siya ng kanyang misis at kanilang mga anak. Naglasing at kumuha ng posporo at sinindihan ang kanyang kuwarto na nasa ikalawang palapag ng bahay, dakong 9:00 ng gabi.

Naisip din umano ni Balera na hindi lumabas mula sa nasusunog na kuwarto, ngunit masuwerteng nakita at hinatak ng mga kapatid.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang 12 bahay.

Ayon kay Supt. Edwin Vargas, Fire Marshall ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Navotas Fire Station, nahirapan makapasok ang mga fire trucks dahil makipot ang daan.

“Naubusan din kami ng tubig kaya nag-refill pa,” ani Vargas.

Tumagal ng isang oras bago idineklarang fire-out ang sunog habang walang iniulat na nasaktan at inaalam pa kung magkano ang halaga ng mga naabo.

Ayon kay Vargas, bagamat umamin sa krimen ang suspek ay magsasagawa pa rin sila ng imbestigasyon upang tuluyang masampahan ng kasong arson si Balera na kasalukuyang nakakulong sa Navotas Detention Cell.

“Lasing kasi siya (suspek) nang umamin sa krimen, kaya magsasagawa pa rin kami ng imbestigasyon,” dagdag pa ni Vargas.

-Orly L. Barcala