OAKLAND, California (AP) — Tinuldukan ng Houston Rockets ang marka na 16 sunod na playoff win ng Golden State Warriors sa Oracle Arena.

At muling, ipinagsigawan na hindi sila basta-basta at handang makipaglaban para sa kampeonato.

Malinaw ang mensahe ng Houston, sa pangunguna nina James harden na kumana ng 30 puntos at Chris Paul na may 27 puntos, nang ungusan ang Golden State sa pinakadikit na duwelo sa playoff, 95-92, nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

Hataw sina Stephen Curry at Kevin Durant sa second half sa naiskor na 28 at 27 puntos, ayon sa pagkakasunod, subalit sa pagkakataong ito sapat ang wisyo ng Rockets para maisalba ang laban sa harap ng nagbubunying Warriors crowd.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Naibagon din ng Rockets ang dangal matapos maibaon ng 41 puntos na kabiguan sa Game 3.

“We’re a team. We’re really good as a team,” pahayag ni Harden.

Naisalpak ni Paul ang isang free throw may 0.5 segundo para sa final tally bago nagdiwang sa center court na ika-ika dulot nang pamamaga ng paa.

“A whole lot of treatment,” sambit ni Paul, patungkol sa minor injury na natamo. “It’s as good as it’s going to be right now.”

Balik ang aksiyon sa Houston para sa Game Five sa Huwebes (Biyernes sa Manila) kung saan 1-1 ang magkaribal sa best-of-seven Western Conference Finals.

“Now we’ve got to fight and really understand that this is a true playoff-type experience,” pahayag ni Curry.

Naghahabol sa 94-91 may 1:27 sa laro, kapwa sumablay ang three-point shot nina Klay Thompson at Curry na nagpatabla sana sa iskor. May pagkakataon muli ang Warriors may 42.5 segundo matapos ang shot-clock violation ng Houston, ngunit sumablay ang lay-up ni Curry. Nakuha ni Dreymond Green ang rebound at nakakuha ng foul, ngunit isang free throw lamang ang naibuslo ng matikas na forward.

“I thought this is the highest level we’ve ever played defensively, without a doubt,” sambit ni Rockets coach Mike D’Antoni.