NANINIWALA si Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na baka sumiklab lang ang gulo kapag ipinilit ng Pilipinas ang maritime claims nito sa West Philippine Sea (South China Sea). Iginiit niya na para maiwasan ang anumang karahasan o bakbakan sa naturang lugar, payagan ang pagkakaroon ng joint exploration sa bansa ni Pres. Xi Jinping.
Para naman sa taumbayan, hindi naman makikipaggiyera ang Pilipinas sa China sakaling maghain ito ng protesta sa ginagawang pananakop sa ating mga reef at militarisasyon sa WPS. Sabi ng mga Pinoy kung patuloy na hindi kikibo si PRRD at ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa hakbang na ito ng dambuhalang bansa, aakalain nitong okay lang sa PH na ito’y okupahan sapagkat may kapalit namang tulong-pinansiyal at proyekto.
Dahil halos kontrolado na ng China ang WPS-SCS, sinabi ng incoming Chief ng US Pacific Command na kailangan pang dagdagan ang puwersa ng US military sa Indo-China region upang mapigilan ang agresyon nito.
Humarap sa US Senate Armed Services Confirmation Committee, sinabi ni Adm. Philip Davidson na magtatrabaho at sisikapin niyang madagdagan at mapalakas ang puwersang-militar ni Uncle Sam sa Indo-Pacific.
Ayon kay Davidson, nakapaglagay na ng sapat na military infrastructure ang bansa ni Xi sa WPS upang ganap na makontrol ang rehiyon. Ang testimonya ni Davidson ay ginawa bago pa ihayag ng Chinese People’s Liberation Army Air Force (PLAAF), na nagpalapag na ito ng mga eroplano, kabilang ang H-6K bombers, sa mga outpost nila.
Batay sa social media posts sa PLAAF’s Weibo account at sa state-owned People’s Daily Twitter account, ipinakikita ang isang long-range bomber na nag-landing at nag-take off mula sa Woody Island, ang pinakamalaking base ng China sa Paracel Islands.
Sa palagay ng maraming Pinoy, tama si PRRD nang sisihin niya ang US sa hindi nito pagkibo at pagkilos noong kasagsagan ng pagtatayo ng mga balangkas-militar ng China sa WPS-SCS. Ito lang ang military power na makahahadlang sa anumang kilos at agresyon ng China sa mga reef, shoal at pagtatayo ng artificial islands.
Dapat ding tandaan ng mga Pinoy ang desisyon ng mga senador noon na umano’y mga makabayan na “nagpalayas” sa mga Kano at gibain ang kanilang base-militar sa PH . Sa paglisan ng mga Kano sa Subic at Clark bases nila, heto na ang China na nagmamadaling angkinin ang halos kabuuan ng West Philippine Sea/South China Sea.
Nais ng mga senador noon na palayasin ang imperyalistang US na maraming panahong ginawang kolonyal at tau-tauhan ang Pilipinas, pero ang hindi nila na-foresee o nakita sa hinaharap ay ang paglitaw ng bagong imperyalista sa katauhan ng ating kapit-bansa, ang China, na ngayon ay pumapangalawa sa puwersang militar at ekonomiya sa United States.
-Bert de Guzman