KUMAKAGAT pa lamang ang dilim, walang patid araw-araw, ay mapapansin ang kabi-kabilang checkpoint sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Maraming natutuwa, isa na ako sa mga ito, ngunit marami rin ang kariringgan ng matatalim na komento hinggil sa pamamaraan ng mga pulis, sa kanilang pagtse-checkpoint.
Karamihan sa mga natutuwa ay nagsasabi na malaking tulong ito sa pagbaba, di man tuluyang mawala, ng kriminalidad sa mga pangunahing lugar sa bansa. Dagdag pa nila, ‘yong may itinatago lamang na masamang gawain ang takot na ma-checkpoint!
Sa kabilang banda naman, sinasabi ng mga galit sa checkpoint na mas ninenerbiyos sila tuwing dadaan sa lugar na maraming pulis dahil sa masamang imahe ng mga ito na kadalasang kundi man nasasangkot sa krimen, ay ang mga ito mismo ang nagiging protektor ng mga nagkalat na kriminal.
Parehong nasa katuwiran ang dalawang grupo dahil tama lamang ang kanilang mga ipinupunto rito. Ang tanong ko naman sa sarili ko ay bakit nga ba nahahati ng ganito ang pananaw ng mga tao sa checkpoint samantalang ito ay para sa katahimikan naman ng lugar na nasasakupan ng mga pulis? Dapat ito lang –matuwa ang lahat sa resulta at makipagtulungan sa pulis sa kapayapaan ng bawat lugar!
Kaya nitong mga nakaraang gabi, kinati na naman ang aking mga talampakan, at ginaygay ang mga mataong lugar sa Metro Manila na may nagtse-checkpoint at pinagmasdang mabuti ang pamamaraan ng mga pulis sa pagtupad sa operasyong ito sa kanilang nasasakupan.
Ito ang aking nasaksihan: Maraming magagalang pa ring pulis, kaya lang karamihan dito ay may edad na. Ang mga nakababatang pulis naman ay mas brusko at karamihan sa mga ito tila hindi pinakain ng gulay na UPO ng kanilang magulang noong bata! Ang kabruskuhan o kawalang-galang na ito ang nakita kong kinaiinisan ng karamihan sa mga natse-checkpoint.
Marami pa ring tila hindi alam ang tamang panuntunan sa pagtse-checkpoint kaya karamihan ay bara-bara sa pagpapahinto ng mga sasakyan, na ang karamihan ay ‘yong naka-motorsiklo. Saglit lamang ang pagsita sa naka-kotse kumpara sa naka-motorsiklo, na kinakailangan pang huminto, pumila, habang isa-isang iniinspeksyon ang mga motor, compartment at -- may natiyempuhan pa nga akong ang binubulatlat ay ang WALLET ng rider. Ano ba ang maitatago sa wallet – pera, ID, driver’s license (DL) at sachet ng shabu? Narinig ko kasi ito minsan sa isang batang pulis – “Baka may shabu dyan sa wallet mo!” Wow -- JUICE COLORED naman kayo!
Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit kailangang busisiin ang dokumento ng motorsiklo na dala ng rider. Ang sakit sa mata. ‘Yong mga matitinik na operatiba na kilala ko, sa plaka at sticker pa lang, alam na nila agad kung may problema ang pinahihinto nilang sasakyan! Ang pangunahing target sa checkpoint ay BARIL – hindi ito makikita sa wallet, dokumento at bulsa ng rider!
Ito ang 10 panuntunan na ipinalabas ng PNP na dapat tandaan ng dumaraan sa checkpoint: 1) Dapat maliwanag ang lugar at naka-uniporme ang mga pulis. 2) Patayin ang ilaw sa labas ng sasakyan, buksan ang nasa loob, at ‘wag bumaba rito. 3) Visual search lang dapat sa loob ng sasakyan. 4. Huwag magpapakapkap (body search) 5) Hindi sapilitan ang pagbubukas ng globe compartment, trunks at bag na dala. 6) Maging malumanay sa pagsagot sa mga tanong. 7) Dapat alam ang iyong karapatan at huwag mataranta. 8) Ihanda ang DL at dokumento ng sasakyan sa abot-kamay na lugar. 9) Gamitin ang cellphone kung kinakailangan. 10) Huwag matakot na i-report sa kinauukulan ang mga paglabag sa mga alituntunin.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.