Inaresto ng pulisya ang isang babae na sinasabing nagplano ng pagpatay sa isang overseas Filipino worker (OFW) na binaril sa harap ng kanyang bahay sa Lipa City sa Batangas makaraang dumating mula sa ilang taong pagtatrabaho sa Saudi Arabia nitong Sabado.

capalad copy

Kinumpirma ni Chief Supt. Guillermo Eleazar, director ng Police Regional Office (PRO)-4A, ang pagkakadakip kay Janet Manalo Capalad, at sa live-in partner nitong si Roel Dinglasan Guico.

“We consider the two of them as the mastermind behind the killing of Danilo Henson Teruel based on the investigation and the account of the witnesses,” sabi ni Eleazar.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Dakong 8:30 ng gabi nitong Sabado at kadarating lang ni Teruel, 57, sa bahay nito sa Purok 1 sa Barangay Pinagkawitan kasama ang misis nang pagbabarilin siya ng hindi pa kilalang lalaki.

Sinabi ni Chief Supt. Eleazar na si Guico ang driver ng sasakyang sumundo kay Teruel sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Nagkakilala sina Teruel at Guico sa Saudi Arabia.

Ayon kay Chief Supt. Eleazar, sinabi ng mga testigo na nakita nilang may kausap na lalaki si Guico isang araw bago ang pamamaril at ilang minuto bago pinatay si Teruel.

Natuklasang ang nasabing lalaki na kausap ni Guico ang mismong bumaril sa biktima, at tinutugis ngayon ng pulisya.

Gayunman, sa imbestigasyon ay sumulpot ang pangalan ni Janet Capalad, na kalaunan ay natukoy ng pulisya na kinakasama ni Guico.

Kalaunan, natuklasan din sa imbestigasyon na ikinasal si Capalad kay Teruel sa Saudi Arabia.

“Both suspects did not resist arrest during the operation conducted the day after the shooting. They were already charged with a case of murder” sabi ni Chief Supt. Eleazar.

-Aaron Recuenco at Fer Taboy