IDINAOS noong nakaraang linggo ang halalan ng barangay at Sangguniang Kabataan na pinangunahan ng mga pampublikong guro na nangasiwa sa botohan sa bawat presinto sa buong bansa. Sa ilang lugar, nakaranas ang mga guro ng problema sa kanilang personal na seguridad, isyung legal at ang banta ng pananakot at karahasan, bukod pa sa mahabang oras at nakakapagod na trabaho.
Bilang kapalit, nakatanggap ang mga guro ng ilang libong piso para sa travel allowance at honorarium, na hindi pa naibibigay. Sapagkat halos lahat ng guro ay mayroong pamilya at anak na itinataguyod, dagdag pa ang nalalapit na pagbubukas ng klase, kailangan na nila ngayon ang pera at maaaring muli silang mapilitan na mangutang sa mga pribadong pautangan na kinikilala ng Department of Education.
Isang kongresista—si Rep. Rodel Batocabe ng Ako Bicol party-list—ang humikayat sa Department of Education na maghinay-hinay sa pag-eendorso o pagbibigay ng pahintulot sa mga pautangan, dahil lubog na sa utang ang mga guro sa bansa na kinakaltas sa kanilang suweldo, dagdag pa ang multa at service charge.
Sinabi pa ng kongresista na sa Region 5 pa lamang, kung saan nagmula si Batocabe, isang libong piso na lamang ang natitirang suweldo ng mga guro matapos ikaltas ang mga bayarin. Nasa P97 bilyon, aniya, ang utang ng mga guro sa Bicol. At tinatayang umaabot ng P300 bilyon naman ang kabuuang utang ng mga guro sa buong bansa.
Sa isa niyang talumpati, inihayag ni Pangulong Duterte na inaayos na niya ang umento sa sahod ng mga guro. Ngunit matatagalan ito at kakailanganin nito ang aksiyon ng Kongreso. Pansamatala, mainam marahil na pakinggan muna ng Department of Education ang mungkahi ni Batocabe.
Nanawagan ang kongresista nang mahigpit na pagpapatupad sa Republic Act 4670, o ang Magna Carta for Public School Teachers, Section 21 na layuning maprotektahan ang mga guro sa pamamagitan ng pagbabawal sa labis na pagkakaltas sa kanilang buwanang suweldo, maliban na lamang kung itadhana ng batas.