ISANG round lamang ang kinailangan ni Mike Plania para patulugin ang mas beteranong si John Rey Lauza sa kanilang 10-round bantamweight bout nitong Sabado ng gabi sa Polomolok, South Cotabato.

Ito ang unang panalo ni Plania, kilala sa bansag na “Magic” mula nang makalasap ng unang kabiguan sa puntos kay dating WBA bantamweight champion Juan Carlos Payano ng Dominican Republic noong nakaraang Marso 25 sa Hollywood, California para sa bakanteng WBO Inter-Continental bantamweight title.

“I’m happy to be back in the winning column. The loss to Payano only made me a better fighter,” sabi ni Plania sa Philboxing.com. “I will be a champion.”

Ayon kay Sanman Promotions CEO Jim Claude Manangquil, malaking bagay ang panalo ni Plania para magbalik ang kumpiyansa sa sarili ng 22-anyos na boksingero.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“It was a good tune-up fight for Plania to get his confidence back. Up next for him will be a regional title or a fight in the US,” dagdag ni Manangquil.

Napaganda ni Plania ang kanyang rekord sa 15 panalo, 1 talo na may 8 pagwawagi sa knockouts at umaasang makapapasok sa world rankings para sa buwan ng Mayo.

Sa undercard, pinatulog naman sa isang round ni dating WBA interim light flyweight champion Randy Petalcorin ang palaban na si Jade Yagahon para lumaki ang tsansang mapalaban sa world title bout.

May magandang rekord na 29-2-1 win-loss-draw na may 22 pagwawagi sa knockouts, kasalukuyang nakalista si Petalcorin na No. 3 sa IBF, No. 4 sa WBO at No. 11 sa WBC sa junior flyweight division.

-Gilbert Espeña