SA talumpati ni Pangulong Duterte sakay ng barko ng Philippine Navy, nasabi raw sa kanya ni Chinese President Xi Jingping na hindi nito hahayaang mapatalsik siya sa pwesto. Kaya tuloy nawika na naman ni Sen. Antonio Trillanes IV na wala namang nagtatangkang sipain siya. Si Pangulong Duterte mismo, aniya, ang de-destabilize sa kanyang sarili. Kaya, iyon daw kanyang tinuran na sinisiguro ni President Xi ang kanyang pananatili sa pwesto ay tanda na nahihintakutan siya.
Bakit nga ba hindi, eh magulo na ang iba’t ibang sektor ng lipunan. Bawat isa ay may reklamo at binabatikos ang kanyang administrasyon. Ipinapakita na nila ang kanilang pagkadismaya sa kanyang ginagawa at uri ng panunungkulan. Ang iba ay idinadaan sa sama-samang pagkilos sa kalye. Dalawang rally ng mga abogado ang naganap kamakailan. Ang isa ay naglalayon na isiwalat ang kanilang saloobin laban sa naging desisyon ng Korte Suprema na pinatalsik sa pwesto si Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Naging posible ang desisyon at tahasang paglabag sa Saligang Batas dahil kay Pangulong Duterte.
Ikinagalit niya ang pagharang nito sa kanyang kautusan na magreport sa Kampo Crame ang hukom na kasama sa kanyang listahan ng mga taong sangkot sa droga. Ang ikalawa, nagprotesta ang mga abogado hinggil sa pagpaslang kay Quezon City Public Prosecutor Rogelio Velasco. Maaaring naging sukdulan na ito dahil may mga abogado nang naunang pinaslang ng riding-in-tandem. Ang pamamaraang ito ng murder ay sumulpot lamang at naging pangkaraniwan na sa panahon ni Pangulong Digong. Hindi na masawata sa ginagawang pagpatay.
Binatikos naman ng Simbahan ang fake news sa paraan ng pagpapatunog ng mga kampana tuwing 3:00 ng hapon. “Hindi maipagkakaila na hinaharap natin ang krisis sa katotohanan. Halos imposible ang malaman kung alin ang balitang totoo at mali, “wika ni Cardinal Luis Antonio Tagle. Ayon kay Maria Ressa ng news website Rappler, may grupo ang administrasyon na nagkakalat ng fake news at hate campaign para busalan ang oposisyon at mamanipula ang opinyon ng publiko.
Sa loob at labas ng bansa, may mga hindi natuwa sa animo’y pagkunsinte ng Pangulo sa China sa paggawa ng pansamantalang isla sa pinagagawang West Philippine Sea. Ginawang lapagan ng mga military airplanes at tinaniman ng mga missiles na mistulang base militar ng China. Kapag pinigil mo ang China sa ginagawa nitong militarisasyon sa lugar, magkakagulo, saad ng Pangulo. Pero, inilalagay ng Pangulo ang seguridad ng ating bansa sa panganib.
Ang magbubuo ng mga hiwalay na protesta ay ang mga kabataan at mag-aaral. Sila ang nakadarama ng kahirapang dinaranas ng kanilang pamilya dahil sa walang lubay na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbiyo. Hindi magtatagal, ang nabuong protesta ay magiging napakalakas na daluyong na sasampa sa dalampasigan. Ang kagutuman, kalupitan, na dinanas ng mga naging biktima ng war on drugs, at kaapihan ay hindi masasalag ng kahit sino, maging pinakamalakas mang banyagang bansa.
-Ric Valmonte