Sa patuloy ng pagpapatala sa paaralang elementarya at sekondarya sa buong bansa, ipinaalala kahapon ng Department of Education (DepEd) sa mga principal at guro ang umiiral na “no collection” policy at hinikayat ang mga magulang at stakeholders na isumbong sa mga kinauukulan ang mga pasaway na pampublikong paaralan.
“We have repeated that policy again and again,” sinabi ni Education Secretary Leonor Briones nang tanungin kung mayroon pa ring mga public schools na nangongolekta ng mga bayarin sa mga estudyante sa elementarya at sekondarya. Idiniin niya na walang tigil ang paalala ng DepEd sa mga tauhan nito sa public elementary at secondary schools sa buong bansa na huwag magpataw at maningil ng “compulsory” contributions sa mga estudyante lalo na sa panahon ng enrolment.
Muling iginiit ni Briones na ang DepEd ay “firm on its goal to provide all Filipino learners with free basic education in public elementary and secondary schools.” Kayat dapat tiyakin ng mga eskuwelahan na ang “collection of authorized contributions must remain voluntary, not compulsory.”
Batay sa “No Collection” Policy, ang mga kontribusyon ay dapat na dapat na hindi maging “monetary constraints for parents and learners” dahil kinikilala ng DepEd maraming gastusin na kailangan nilang balikatin para lamang mapag-aral ang kanilang mga anak.
Magbubukas ang klase sa mga pampublikong paaralan sa Hunyo 4. Sa datos ng DepEd, tinatayang 28 milyon estudyante kapwa sa public at private schools ang inaasahang magbabalik sa kanilang mga paaralan para sa School Year (SY) 2018-2019.
-Merlina Hernando-Malipot