ANG Flores de Mayo o ang pag-aalay ng mga bulaklak sa Mahal na Birhen ay tinatapos ng SANTAKRUSAN. Ito’y isang prusisyon sa Banal na Krus na ang tanging layunin ay gunitain at bigyan ng pagpapahalaga ang pagkakatagpo sa krus sa Kalbaryo na pinagpakuan kay Kristo. Ang nakatagpo sa krus ay si Reyna Elena, ina ng batang hari na si Constantino.
Hindi natatapos at kumpleto ang Mayo kung walang Santakrusan sa mga barangay, bayan at lungsod. Ang Santakrusan ay ang pinakamakulay na pagdriwang sa Pilipinas kung buwan ng Mayo at ito ay itinuturing na “Queen of Festivals”.
Ayon sa kasaysayan, noong taong 326, naglakbay si Reyna Elena sa Jerusalem at natuklasan ang tatlong krus. Isa sa mga krus ang may milagrosong kapangyarihan at pinaniwalaan ni Reyna Elena na iyon ang pinagpakuan at kinamatayan ni Kristo sa Kalbaryo.
Ang kapistahan ng Sta. Cruz ay itinakda ng Simbahan na ipagdiwang tuwing ika-3 ng Mayo. Ang pagdiriwang ay bilang pagpapahalaga sa pagkakatagpo sa Banal na Krus ni Reyna Elena. Ang pista ng Sta. Cruz ay nagsimula pa noong kapanahunan ng Simbahang Kristiyano. Dinala at ipinakilala sa Pilipinas ng mga misyonerong Kastila. Ginamit sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo na bahagi ng kanilang pagmimisyon sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas.
Bunga ng nasabing mga pangyayari, ang Sta. Cruz ay naging patron at pangalan ng maraming bayan, lungsod at barangay. Mababanggit na halimbawa ang Sta. Cruz, Laguna; Sta.Cruz, Maynila; Sta. Cruz, Marinduque; Sta. Cruz, Ilocos Sur; Barangay Sta. Cruz, sa Antipolo City sa Rizal at iba pang lugar sa ating bansa. May apelyido pa ng ibang Pilipino na Sta. Cruz. Mayroon pang de la Cruz.
Hindi katulad ng mga karaniwang imahen ng mga Santo at Santa ang kasama sa prusisyon. Sa Santakrusan, ang ipinakikita ay ang 17 tauhan sa Bibliya (Biblical characters). Kasama ang mga Marian o Maria na kumakatawan sa siyam na tawag sa Mahal na Birhen tulad ng ROSA MYSTICA (Mystical Rose) na may dalang mga bulaklak ng rosas; at ang REYNA DE LAS FLORES (Reyna ng mga Bulaklak). Ito ang dahilan na ang Flores de Mayo ay madalas na napagkakamalang kaparehong pagdiriwang ng Santakrusan.
Kasama rin sa Santakrusasn ang iba pang sagala o tauhan tulad ng Reyna de las Estrellas, Reyna del Cielo, Reyna Paz at Reyna de los Virgines. Ang mga nabanggit ay ang mga pangalan na hango sa Litanya para sa Mahal Birhen.
Sa prusisyon ng Santakrusan, nasa unahan ang mga kawal at si Matusalem. Kasunod ang Reyna Banderada na may hawak na kulay dilaw na bandila na sagisag ng pagdating ng Kristiyanismo. Kasama at mga tauhan din ng Santakrussan ang Reyna Fe na may hawak ng krus ng pananampalataya; Reyna Esperanza na may hawak na angkla; Reyna Caridad na may hawak na puso; Reyna Abogada, ang tagapagtanggol ng mga mahirap at inaapi at may hawak na aklat; Reyna Sentenciada na kumakatawan sa mga walang sala; at Reyna Justicia na may hawak na timbangan ng katarungan.
Tampok sa Santakrusan ang isang napiling babae na kinoronahan bilang REYNA ELENA. Nasa hulihan ang Reyna Elena (katabi ang kanyang Constantino). Kasunod ang imahen ng Mahal na Birhen na nasa karosa. Maliwanag ang mga ilaw at may palamuting mga bulaklak ang karosa. Sinusundan ng banda ng musiko na ang tinutugtog ay ang awit-dasal na “Dios te Salve Maria, llena eres de Gracia... ( Hail Mary, full of Grace).
Ang Santakrusan ay idinaraan sa mga pangunahing lansangan sa bayan na karaniwang nagsisimula sa harap ng simbahan o kapilya. Nagwawakas sa tapat ng bahay ng napiling Reyna Elena na roon ay may inihandang pagkain para sa mga kalahok at sumama sa Santakrusan.
Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng pagbabago ang Santakusan. Ang mga orihinal na tauhan ng Reyna Elena at haring Constantino at iba pang sagala ay nakasama sa agos ng pagbabago. Nahaluan at nabalutan ng materyalismo.
Ang mga sagala sa Santakrusan ay mga beauty queen, mga artista sa pelikula at telebisyon.Tinitilian sila ng kanilang mga fans kapag kumakawway at ngumingiti.
Sa ilang parokya naman sa lalawigan tulad sa Diocese ng Antipolo, ang Santakrusan, bilang pagpapahalaga sa tradisyon at kulturang Pilipino ay may isang tanging araw na itinakda sa buwan ng Mayo sa pagdaraos ng “Grand Santakrusan”. Ang mga sagala ay mga kabataang babae at dalaga sa bayan at parokya. Walang kasamang artista.
May mga pagbabago man na nagaganap sa pagdaraos ng Santakrusan, magpapatuloy ang pagbibigay-buhay at pagpapahalaga sa tradisyong ito ng mga Pilipino. Maaaring ang dating layunin na gunitain ang pagkakatuklas sa Banal Krus, ngunit patuloy pa nitong aakitin ang pansin ng mga bata, kabataan at mga senior citizen na nanonood ng Santakrusan.
-Clemen Bautista