Timbog ang umano’y supplier ng ilegal na droga ng dalawang Filipino-Iranian sa buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD)- Drug Enforcement Unit sa Project 4, Quezon City, madaling araw kahapon.
Base sa report ni Senior Insp. Noel Magante, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng QCPD-Station 8, kinilala ang mga suspek na sina Omid Hosseini, Amir Gharehgoziou, kapwa Filipino-Iranian; at ang umano’y supplier nila ng droga na si Kenn Joseph Cruz, pawang taga-Project 4.
Nasorpresa ang tatlo bandang 4:55 ng umaga sa buy – bust operation na ikinasa sa Perona Street sa Barangay Milagrosa sa Project 4.
Nakumpiska sa mga suspek ang 14 na plastic sachet ng shabu at marked money.
Nabatid sa imbestigasyon na dati nang sumuko sa Oplan Tokhang ng pulisya si Hosseini, na isinailalim sa surveillance monitoring sa nakalipas na mga buwan.
Si Gharehgozlou naman ay estudyante ng dentistry na sampung taon nang naninirahan sa Pilipinas, at tumangging gumagamit siya ng droga.
Nakapiit ngayon sina Gharehgoziou, Hosseini, at Cruz sa himpilan ng QCPD-Station 8 makaraang kasuhan sa Quezon City Prosecutors’ Office ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).
-Jun Fabon