CLEVELAND (AP) — Ngayon, ang pressure ay nasa Boston Celtics. Tangan naman ng Cleveland Cavaliers ang momentum para sa pagkakataong muling makausad sa NBA Finals.

Hataw si LeBron James sa naiskor na 44 puntos, sapat para lagpasan ang marka ni NBA legend Kareem Abdul-Jabbar sa postseason scoring list, at sandigan ang Cavaliers sa 111-102 panalo kontra Celtics sa Game 4 ng Eastern Conference Finals nitong Lunes (Martes sa Manila).

Tabla ang serye sa 2-2 sa pagbabalik ng aksiyon sa Boston Garden kung saan winalis ng Celtics ang Cavs sa unang dalawang laro.

Tatangkain ng Cleveland na maging ika-20 sa 300 koponan na nakabangon mula sa 0-2 paghahabol sa best-of-seven series at kung hindi magbabago ang ratsada ni James, posibleng makaungos ang Cavs para sa kanyang ika-walong sunod na paglalaro sa NBA Finals.

Chavit Singson, pangungunahan pagpapatayo ng kauna-unahang PBA Arena?

Ngunit, tangan ng Boston ang matikas na 9-0 marka sa home court sa postseason.

Nakatakda ang Game 5 sa Miyerkules (Huwebes sa Manila) sa TD Center.

Nag-ambag si Kyle Korver ng 14 puntos, habang tumipa si Tristan Thompson ng 13 puntos at 12 rebounds para sa Cleveland.

Nanguna si Jaylen Brown sa Boston sa natipang 25 puntos at pawang umiskor ng double digit ang kanilang starters, ngunit nabaon sila sa 19 puntos na bentahe sa first half at hindi na nakabangon sa kabuuan ng laro.

Walang naiganti ang Celtics sa lupit ng opensa ni James na nalagpasan si Jabbar (2,356) para sa pinakamaraming field goals sa kasaysayan ng NBA finals. Naitala rin ni James ang 25th career postseason game na mayroon siyang iskor na 40 puntos at pataas – ikaanim niya sa kasalukuyang postseason.

Huling nakadikit ang Celtics sa 100-93 mula sa jumper ni Marcus Smart may 4:29 sa laro. Ngunit, umiskor si Thompson ng dunk mula sa assist ni James at sinundan ng lay up ng four-time MVP para tuluyang tuldukan ang panalo ng Cavs.