IKATLONG mainstream movie na ni Direk Irene Emma Villamor ang Sid & Aya (This Is Not A Love Story) na pinagtatambalan nina Dingdong Dantes at Anne Curtis at kinunan sa Tokyo, Japan.Medyo magastos na direktor si Direk Irene dahil ang una niyang pelikulang Camp Sawi (2016) ay sa Bantayan Island, Cebu naman ang location at nagtayo sila roon ng resort para sa pelikula at mabuti naman dahil kumita ito.
Meet Me in St. Gallen ang sumunod na ipinalabas nitong nakaraang Pebrero. Ito ang pinakamahal na pelikulang nagawa ni Direk Irene dahil may mga eksenang kinunan sa Switzerland at inabot sila roon ng mahigit isang linggo.Unang nakilala si Direk Irene bilang second unit director ni Antoinette Jadaone sa indie na Relaks, It’s Just A Pag-Ibig produced ng Spring Films -- bida sina Iñigo Pascual, Julian Estrada at Sofia Andres.Sa kuwento ng Sid & Aya (This Is Not A Love Story), pinuntahan ni Aya (Anne) ang kanyang magulang na nakatira sa Japan kaya kinailangan nilang doon mag-shoot.Ayon kay Direk Irene, parehong mandaraya ang karakter nina Anne at Dingdong kaya naging Sid & Aya (Sidaya).Hindi naman masagot ng direktora kung bakit may subtitle na, ‘this is not a love story, “Mahirap po siyang sagutin kasi give-away na, pero sabi ng apo ni Sid, ‘hindi lahat ng nag-I love you, love story na.’
Idea ni Direk Irene na pagsamahin sa pelikula sina Dingdong at Anne.
“Si Anne po talaga, kasi it was a concept na hindi takot na artista, I think. Nu’ng i-pitch ko ito sa kanya, nagustuhan niya kaagad and sinabi niya na gagawin niya at naintindihan niya. Medyo mahirap kasi ‘yung role so dapat walang takot pareho sina Sid at Aya na walang mga takot. Hindi sila masyadong mabubuting tao (karakter) kaya thankful ako na tinanggap nila pareho ito,” sabi ng lady director.Ano ang selling point, kung ganoon, ng pelikula na pareho nang may asawa na ang gumaganap na dalawang bida kaya imposible siyempreng i-link dahil lalabas namang pikit?
“’Yung story po mismo, kasi I would like to think na ang audience natin ay story na ang hinahanap ngayon and also how it was made. As a filmmaker, ‘yun naman talaga ang gusto kong ipakita, ang istorya hindi ‘yung love team. It follows na lang na kapag maganda ang istorya, magkakaroon na ng magandang relasyon.
“Rom-com mayroon naman, it’s part of the formula, it’s still there, but it’s how we tried to make ‘bali.’ Kissing scenes? Mayroon bang nagmahal na hindi naghalikan? Hindi ko alam, meron naman, di ba? Pero hindi ‘yun ang aabangan ng tao, it’s how they’re portrayed the role kasi mahirap po, mahirap din ‘yung kuwento kaya medyo kabado ako, so ma-gets siya what it is kasi maraming interpretasyon sa pelikula,” paliwanag ni Direk Irene.
Mapapanood ang Sid & Aya sa Mayo 30 mula sa Viva Films at N2 Productions. May mall tour sina Anne at Dingdong sa Mayo 26 (Sat), 4PM at Gateway Cineplex at 6PM at Ayala Malls Feliz; May 27 (Sun) 4PM at SM City Bicutan at 6PM at SM City Sta. Rosa
-REGGEE BONOAN