Nalambat ng pulisya ang siyam na miyembro ng kilabot na “Termite Gang” makaraang makorner ang mga ito sa niloloobang sanglaan sa Noveleta, Cavite, kahapon ng madaling-araw.

Nagulat pa ang mga suspek nang madatnan sila ng mga pulis sa loob ng Burgos Pawnshop sa Barangay Poblacion, Noveleta, dakong 2:08 ng umaga.

Hindi muna binanggit ang pagkakakilanlan ng mga suspek dahil isinasailalim pa sa imbestigasyon ang mga ito, ayon kay Cavite Police Provincial Office director, Senior Supt. William Segun.

Hindi na, aniya, nagawang makatakas ng siyam na suspek dahil na rin sa dami ng operatib ang nagsanib-puwersang Cavite Police Provincial Office-Intelligence Branch, Mobile Patrol Unit, Noveleta Police, at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Cavite.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Mahigit isang buwan nang sinusubaybayan ng pulisya ang grupo, na ilang taon na umanong nag-o-operate sa Noveleta at sa iba pang bayan sa Cavite, at maging sa iba pang bahagi ng bansa.

Itinataon umano ng grupo ang pagsalakay kapag gabi hanggang medaling araw, tuwing weekend, o holiday.

Binansagang Termite Gang ang grupo dahil naghuhukay sila ng lagusan sa pagbubutas sa pader o sahig ng nilolooban nilang sanglaan o bangko, upang hindi makaagaw-pansin sa mga nagrorondang pulis.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong robbery laban sa siyam na suspek. (Anthony Giron at Fer Taboy)