KABUUANG 30 Pilipino, sa pangunguna ng national champion na si Jan Paul Morales, ang makikipagsubukan ng lakas, katatagan at diskarte sa 50 foreign riders sa paglarga ng 9th Le Tour de Filipinas, sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City ngayong araw, at matatapos sa Burnham Park sa Baguio City sa Miyerkules.
Makakasama ni Morales, skipper ng Philippine Navy-Standard Insurance team, si Ronald Oranza, katulad niyang beterano sa laban sa karera na co-presented ng Air21, Cignal at Cargohaus Inc., sa pakikipagtulungan ng Ube Media Inc.
“We will give our best in the Le Tour. We have been training hard and we will surely give the foreigners a tough fight,” sambit ng 32-anyos na si Morales.
Inaasahang mapapalaban ang Nationals sa four-stage International Cycling Union race na nagbabalik sa lugar na tinaguriang ‘Cradle of Philippine Cycling’.
Kabuuang 17 koponan ang maglalaban sa Le Tour de Filipinas ngayong taon sa karera na sanctioned ng PhilCycling, ang national federation for the sport na pinamumunuan ni Tagaytay City Rep. Abraham “Bambol” Tolentino at Chairman Alberto Lina, ipinapalagay na ‘godfather of Philippine cycling’.
“This will be an exciting edition of the Le Tour de Filipinas because there are more Filipino riders seeing action this time around,” pahayag ni Tolentino, chairman din ng Philippine Olympic Committee.
Ang iba pang Pinoy riders na inaasahang magbibigay ng karangalan sa bansa ay sina Marcelo Felipe, Rustom Lim, at 2014 champion Mark John Lexer Galedo ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines; Mark Julius Bonzo at Alfie Catalan ng Team CCN Philippines; Ronnel Hualda at Boots Ryan Cayubit ng Go For Gold; George Oconer at Jerry Aquino Jr. ng Philippine National Team; at Lloyd Lucien Reynante, nagbabalik mula sa pagreretiro para pangunahan ang Bike Extreme Philippines kasama si Chris Joven.
Kabilang naman sa foreign teams ang Terrenganu Cycling Team (Malaysia), Pishgaman Cycling Team (Iran), Nice Devo Cycling Team (Mongolia), Interpro Cycling Academy (Japan), Oliver’s Real Food Racing (Australia), Korail Cycling Team (South Korea), Team Sapura Cycling Team (Malaysia), Ningxia Sports Lottery Livall Cycling Team (China), KFC Cycling Team (Indonesia), at Uijeongbu Cycling Team (South Korea).
Ang Stage 1 ngayon ay may distansiyang 157.50 kms. mula sa Liwasang Aurora sa Quezon Memorial Circle patungong Palayan City, Nueva Ecija, habang ang Stage 2 ay sasabak sa Cabanatuan City hanggang Bayombong, Nueva Vizcaya, na may distansiyang 157.90 kms. na may kasamang akyatin sa Dalton Pass.
Ang Stage 3 – pinakamahaba sa layong 185.20 kms. – mula Bambang, Nueva Vizcaya, patungong Lingayen, Pangasinan, at ang Stage 4 na may layong 154.65 kms mula sa Lingayen hanggang Baguio City.