Nina Merlina Hernando-Malipot at Mary Ann Santiago
Inaasahan ng Department of Education (DepEd) ang pagdagsa ng nasa 28 milyong magbabalik-eskuwela sa mga pampubliko at pribadong paaralang elementarya at sekundarya para sa School Year 2018-2019.
Batay sa datos mula sa DepEd Planning and Programming Division hanggang nitong Mayo 10, natukoy na ang bilang ng enrollees para sa SY 2018-2019 ay 27,757,546—sa mga pampubliko at pribadong paaralan at sa State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs).
Ayon sa datos, nasa 2,949,870 ang enrollee sa Kindergarten; 13,867,819 sa elementarya (Grades 1-6); 8,126,239 sa Junior High School (Grades 7-10); at 2,813,618 sa Senior High School (Grades 11-12).
Para sa SY 2017-2018, nakapagtala ang DepEd ng kabuuang 26.3 milyon estudyante sa mga pampubliko at pribadong eskuwelahan, mas mataas ng 5.6 porsiyento sa enrolment noong 2016.
Una nang itinakda ang pagsisimula ng SY 2018-2019 sa Hunyo 4.
Sa Mayo 28 naman sisimulan ang taunang Brigada Eskuwela, na magtatapos sa Hunyo 2.
Kaugnay nito, muling bubuhayin o ire-reactivate ng DepEd bukas, Mayo 21, ang National Oplan Balik Eskuwela (OBE) nito para sa SY 2018-2019.
Nabatid na ang reactivation ng OBE ay isasagawa sa Bulwagan ng Karunungan sa DepEd Central Office sa Pasig City.
Sa ilalim ng OBE, ang DepEd Central Office ay magtatatag ng OBE Information and Action Center (IAC) sa Bulwagan ng Karunungan, na magsisilbing information at complaints processing at routing zone sa buong panahon ng proyekto, o hanggang sa Hunyo 8.