Natimbog ng pulisya ang dalawang bagong halal na barangay chairman makaraang makumpiskahan umano ng ilegal na droga at baril sa magkahiwalay na operasyon sa Tarlac at Surigao del Norte.

Kinilala ni Chief Insp. Edison Pascasio, hepe ng Tarlac City Police, ang arestadong si Edison Diaz, 41, may asawa, chairman ng Barangay Lourdes, Tarlac City.

Sinalakay ng mga tauhan ng Tarlac Provincial Intelligence Branch at Tarlac City Police station ang bahay ni Diaz sa Purok 1, Bgy. Lourdes sa bisa ng search warrant.

Nasamsam umano mula sa suspek ang isang chocolate box na naglalaman ng droga at dahon ng marijuana, na hindi pa tukoy ang halaga.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Hindi rin nakalusot sa pulisya ang bagong halal na chairman ng Bgy. Pongtod sa Alegria, Surigao del Norte, si Nelson De Pedro, 55, na nahulihan umano ng baril nitong Huwebes, sa raid na isinagawa sa bisa ng search warrant.

Ayon kay Police Regional Office (PRO)-13 director Chief Supt. Noli Romana, nasamsam umano mula kay De Pedro ang isang .38 caliber revolver na may 10 bala, at isang bullet-proof vest.

Nasa kustodiya ng pulisya ang chairman, at kakasuhan ng illegal possession of firearms and ammunitions.

(Leandro Alborote at Mike U. Crismundo)