BAWAT sekta ng pananampalataya o relihiyon ay may mga tradisyon at kaugaliang binibigyang-buhay at sinusunod. Ang mga Kristiyanong Katoliko ay may Lenten Season o Kuwaresma. Apatnapung araw. Kung Ash Wednesday, ang mga katoliko mula 18 anyos hanggang 59 ang edad ay nagpa-fasting at abstinence at hindi dapat kumain ng karne. At tuwing Biyernes ng Kuwaresma, bawal din ang karne. Ang Kuwaresma ay natatapos ng Sabado Santo o Sabado de Gloria. Kasunod na nito ang masayang pagdiriwang ng Easter Sunday o Linggo ng Pagkabuhay.
May tradisyon ding ginagawa ang mga kapatid nating Muslim. Ito ay ang Ramadan. Isang buwan ng fasting o pag-aayuno. Ginagawa tuwing ika-siyam na buwan sa kalendaryo ng Islam na kung tawagi’y “Hijri”. Sa mga kapatid nating Muslim sa Pilipinas at sa iba pang panig ng mundo, banal ang “Hjri” sapagkat panahon ito ng Ramadan -- isang sakripisyo mula bukang-liwayway hanggang takipsilim. Isang buwan ng pag-aayuno at pagninilay. Bagamat mahirap, sinusunod at ginagawa ito bilang pagsunod sa Panginoon. Pagtupad ito sa utos ng Dakilang Allah na nakasulat sa Koran---ang Bibliya ng mga Muslim.
Ang Ramadan ay ginagawa taun-taon ng mahigit isang bilyong Muslim sa buong daigdig, kabilang rito ang mahigit sampung milyong Muslim sa iniibig nating Pilipinas. Ngayong 2018, sinimulan ang Ramadan nitong Mayo 17. Ang simula ng Ramadan ay ibinabatay sa nakitang bagong buwan o crescent moon ng mga Hilal o trusted moon sighters na ibinabalita sa apat na sulok ng Ummad o Islamic world.
Sa panahon ng Ramadan, bawal ang pagkain, pag-inom, paninigarilyo, pakikipagtalik o sex at anumang pagnanasa. Layunin ng Ramadan na magkaroon ng pagbabago sa pakikipag-ugnayan sa Panginoon at sa kapwa tao. Pinaniniwalaan din na ang Ramadan ay makatutulong sa mga matapat ang pananalig sa pisikal na pagbabago, sa ispirituwal na pagpapasiya at asal. Ang Ramadan ay hango sa salitang RAMIDA na ang kahulugan ay matinding init at pagkatuyo. May paniwala na ang mga puso at kaluluwa ay higit na handa sa pagtanggap at paggunita kay Allah sa panahon ng Ramadan, tulad ng mga bato sa pagtanggap ng init ng araw.
Ang pag-aayuno o fasting sa panahon ng Ramadan ay kautusan sa mga Muslim. Bata man o matanda. Ang mga maysakit at ang mga mayregla o menstruation at mga naglalakbay ay hindi kasama sa pag-aayuno ngunit inaasahan na sila naman ay magsasagawa ng pag-aayuno sa ibang araw.
Sinisimulan ang Ramadan sa pamamagitan ng “Subuh” o morning prayer at susundan ito ng “Suhur” o almusal bago sumapit ang 4:00 ng madaling-araw. Ang pagtatapos naman ng pag-aayuno sa maghapon ay tinatawag na “Buka Puasa” na sinusundan ng “Magrib” o sunset prayer kapag sumapit na ang 6:00 ng gabi. (Katulad ng Angelus ng mga Katoliko).
Nagwawakas ang Ramadan sa unang araw ng “Shaw-wal”, tawag sa ika-sampung buwan sa Islam calendar. Ang pagtatapos ng Ramadan ay tinatawag na “Eid’l Fitr” na isang masayang pagdiriwang. Ang Eid’l Fitr ay isa nang national holiday alinsunod sa Republic Act No.9172. Layunin ng pagdiriwang na mapalawak ang kulturang pang-unawa at pagkakaisa.
Sa puso at damdamin ng mga kapatid nating Muslim, ang Ramadan ay naghahatid sa kanilang pagbabago, ng pag-asa, bagong pananaw sa buhay at sa pakikipagkapwa tao. At higit sa lahat, ng kanilang matibay na pananalig kay Allah at pagsunod sa mga utos ni Propeta Mohammad. Isang mahabang sakripisyo ang Ramadan sa mga kapatid nating Muslim ngunit naghahatid din ito ng kapayapaan, pagkakaisa, pagkakasundo at pakikibahagi sa mga pagkakataon upang makatulong sa pag-unlad ng ating Bayang Magiliw, ng mga Muslim at Kristiyano.
-Clemen Bautista