Inihayag ng Malacañang nitong Biyernes ang planong pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isla ng Pag-asa sa West Philippine Sea sa loob ng kanyang termino, upang ihayag ang kapangyarihan ng bansa sa teritoryo ng Pilipinas.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nais ding tingnan ng Pangulo ang buhay ng mga Pilipinong naninirahan sa malayong isla na bahagi ng bayan ng Kalayaan sa Palawan.
“Tingin ko po darating at darating ang panahon na pupuntahan ni Presidente ang Pag-asa Island. Ang pagbisita ng isang Presidente sa Pag-asa, yan po ay ebidensya ng soberenya,” pahayag ni Roque.
“At kung hindi man ngayon gagawin ‘yan ni Presidente, tingin ko bago matapos ang termino niya eh magpunta siya doon, hindi lang para ipakita sa buong daigdig ang ating titulo sa Kalayaan, kung hindi na rin para dalawin ang ating mga kasundaluhan, at ang ating mga kababayan na naninirahan doon sa Kalayaan,” dagdag pa ni Roque.
Ipinahayag ito ni Roque matapos maiulat ang anunsiyo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa posibleng pagbisita ng Pangulo sa isla ngayong taon.
Nilinaw naman ni Roque na wala pang tiyak na petsa ang pagbisita ng Pangulo.
Noong nakaraang taon, naudlot ang planong pagpunta ni Duterte sa Pag-asa Island para umano itanim ang bandila ng Pilipinas dahil umano sa “because of our friendship with China.”
Sa halip, si Lorenzana at ilang opisyal ng militar ang bumisita sa isla noong Abril 2017, na nagdulot ng protesta ng China na umaangkin sa halos lahat ng bahagi ng South China Sea.
-Genalyn D. Kabiling