TUWING magtatapos ang buwan, may mga bagong mukha ng collector sa Bureau of Customs (BoC) na humaharap sa mga negosyante, sa dahilang ‘yong karamihan sa mga dating opisyal ay pinalitan agad dahil sa ‘di nila naabot ang “collection quota” para sa itinakdang buwis kada buwan sa kanilang mga tanggapan.

Kuwento ito ng ilang nakilala kong negosyante na madalas makipagtransaksyon sa BoC dahil sa kanilang negosyo, lubha umano silang naaapektuhan ng pabagu-bagong klima sa pakikipag-ugnayan sa mga bagong upong opisyal sa mga sangay na opisina ng BoC.

Nagdurusa ang mga MATINONG negosyante sa dahil sa sobrang paghihigpit na wala sa lugar, samantalang ang mga maituturing na DOROBO naman ang siyang namamayagpag sa pakikipag-ugnayan sa BoC – sila raw kasing mga patas sa labanan upang kumita ang ating pamahalaan ang napapahirapan sa ALERT order, na sa opisina lang mismo ni Commissioner Isidro Lapena dapat nagmumula.

Sa obserbasyon nila, walang saysay ang pagpapalit-palit sa mga “collector” ng BoC dahil wala sa mga ito ang problema – hindi pagkolekta ng tamang “quota” ng buwis kada buwan – bagkus, ito ay nasa “attitude” ng mga negosyante na karamihan ay “nagsitigil” sa pag-aangkat ng kanilang mga produkto. Ang pagtigil nila sa pag-aangkat ang dahilan ng pagbaba ng koleksyon sa BoC!

Nalulugi raw kasi sila dahil sa matagal na pag-hold ng kanilang mga kargamento na biktima ng “alert order,” na walang namang basehan kundi “tsismis” ng mga intel report, na gawa-gawa lamang ng mga corrupt sa BoC na nang mawalan ng “TARA”. Kaya ang ginamit naman ay ang “DEMORAHE” na panakot nila sa mga negosyante. Eh paano ka nga ba ‘di matatakot kung aabutin ng halos isang buwan ang mga kargamento at ang “DEMORAHE” ay aabot ng P12, 000 kada araw!

Ngunit hindi naman ito problema para sa mga DOROBO na mga negosyante o PLAYER – ito ang katawagan sa kanila sa BoC – kasi depende rin pala ito sa contact nila sa Office of the Commissioner (OCOM). Gaya ng usap-usapan ngayon sa Adwana hinggil sa nawawalang 105 container – ayon sa intel na kausap ko ay 190 container -- na dating naka “ALERT” (Red) ang nawala sa listahan dahil biglang naging Green na pala!

Ang player dito ay si “Kimberly Gamboa” na kasama sa listahan na inilabas sa Senado noong 2017 na mga PLAYER sa BoC noong administrasyon pa ni dating Com. Nicanor Faeldon. Oh ‘di ba, ‘yong mga opisyal ng BoC “come and go” lang dito, ang mga “bigtime” na PLAYER sila-sila pa rin, at ang mga ito ang tunay na dahilan ng corruption sa buong Adwana!

Ang hirap paniwalaan na ang ganito karaming container van ay bigla na lamang mawawala sa BoC, mailalabas nang walang makapapansin, not unless na ito ay sadyang inilabas ng may pahintulot ng isang kung sino man na POWERFUL na opisyal sa BoC.

Mantakin ninyo naman, 20 lang na magkakasunod na lumabas sa terminal kung gaano na kahabang pila ang malilikha, eh di lalo na ‘yong 105!

Kaya nga pala ini-alert ang 105 na container van nito lang Pebrero ay dahil 20 raw sa mga ito ay may kargamentong droga. Ang iba naman ay kargamento ng bakal, baby diaper, at iba pang mga gadget at abubot na pang merkado.

Ang naganap na “magic” – ang PULA naging BERDE – noong bago mag-Holy Week, ay nasisiguro kong kagagawan ng kung sinuman na nakatitipa sa computer sa OCOM na ginagamit sa pagbaba at pagtaas ng ALERT para sa mga kargamento. Sila ang dapat igisa sa imbestigasyon ng Senado hinggil dito sa papasok na linggo.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.