MASISILAYAN ang kahandaan ng Pilipinas sa international gymnastics competition sa pakikipagtuos ng Pinoy sa pinakamahuhusay na gymnast sa Asia sa paglarga ng 4th Asian Senior and Junior Trampoline Gymnastics Championship simula bukas sa University of Makati Gym.
Ang torneo ay magsisilbing Asia’s qualifying tournament para sa susunod na Youth Olympic Games.
Inaasahang 100 atleta mula sa 10 mga bansa ang kalahok sa dalawang araw na torneo na inorganisa ng Gymnastics Association of the Philippines, sa pakikipagtulungan ng Philippine Sports Commission, Tourism Promotions Board, at Makati City government.
“We are delighted to host this huge Asian gymnastics event and would like to thank the Asian Gymnastic Union for allowing us to conduct this competition featuring the best trampoline athletes in Asia,” pahayag ni GAP president Cynthia Carrion, miyembro rin ng AGU Executive Board.
“We welcome the best trampoline athletes from Asia to this event, which is also one way of promoting and popularizing this fast-growing sport worldwide in our country,” aniya.
Kabilang sa mga bansang kalahok sa kompetisyon ay ang China, Hong Kong, India, Iran, Japan, Kazakhstan, South Korea, Uzbekistan, Vietnam at host Philippines.
Ang Asian juniors ay magsisilbing qualifying event para sa 3rd Youth Olympic Games na gaganapin sa Buenos Aires, Argentina sa Oktubre. .
Ang mga kabataang Pinoy gymnasts na lalaban para sa YOG slots ay sina Shane Francis Peralta sa boys division at Fiona Mae Ventenilla sa girls division.
Kabilang sa national seniors squad sina Francisco Deorelar at Benjamin Jesus Mendoza sa men’s division at Erin Abaniel sa women’s division.
Pangungunahan ang national contingent ni Normita Ty, maybahay ng yumaong national gymnastics standout at coach na si Santiago Ty, at mga coaches na sina Rexel Ryan Fabriga at Liwliva Peralta.
-Marivic Awitan