NAGTAASAN na ang mga presyo ng bilihin simula noong Enero ngayong taon. Inihayag ng Department of Finance na pumalo na pinakamataas sa nakalipas na tatlong taon ang inflation rate sa 4.5 porsiyento, gayung ang taya lang ng Bangko Sentral ng Pilipinas ay nasa dalawa hanggang apat na porsiyento.
Dahil ang taas-presyo ng mga bilihin—o inflation rate—ay nagsimula ng Enero, sinisisi ng ilan ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ng gobyerno na nagsimulang ipatupad noong Enero. Gayunman, sinabi ng mga opisyal ng pamahalaan na kakaunti lamang ang ambag ng bagong TRAIN Law sa pagtataasan ng presyo ng mga bilihin. Sa 4.5 porsiyentong pagtaas, anila, nasa .2 porsiyento lamang ang dahil sa tumaas na sin tax sa sigarilyo at alak, at .4 na porsiyento ang dulot ng dagdag-presyo sa petrolyo. Ang malaking bahagi ng 4.5 inflation rate, anila, ay dahil sa galaw ng presyuhan sa merkado, kabilang na ang pandaigdigang pagtaas sa presyo ng gasolina at pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar.
Bago pa man napagtibay ang TRAIN Law, nangangamba na tayo sa posibilidad na ang dagdag na buwis sa petrolyo ay magbubunsod ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Petrolyo ang nagpapaandar sa mga cargo truck na nagbibiyahe ng mga produktong agrikultural sa mga pamilihan sa mga siyudad at bayan. Ito rin ang nagpapagana sa mga pampasaherong sasakyan, kaya malaki ang posibilidad na dahil dito ay magtaas din ang pasahe.
Ang TRAIN Law na pinagtibay noong nakaraang taon ang una na itinakda ng administrasyon. Inihahanda na ngayon ang paghahain ng TRAIN 2 sa Kongreso, na sasaklawin ang higit pang pagtataas sa presyo ng mga produktong tulad ng alak at sigarilyo, ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III.
Bukod pa rito ang hindi kagandahang balita mula sa mga kumpanya ng langis, na nitong Martes ay nagpatupad ng malaking dagdag-presyo sa diesel, gasolina, at kerosene, kasabay ng pagtaas ng pandaigdigang presyo nito sa bunsod ng pangambang maapektuhan ng krisis sa Iran ang supply ng gasolina. Inihayag ng Amerika noong nakaraang linggo na magpapatupad ito ng mga panibagong sanction laban sa Iran kasunod ng pagtanggi sa isang kasunduan noong 2015 na pumipigil sa pagpapaigting ng Iran sa programang nukleyar nito.
Sa harap ng mga bagong pangyayaring ito, dapat na pag-aralang mabuti ng gobyerno ang TRAIN Law. Idinisenyo ito upang pakinabangan ng mga karaniwang taxpayer sa pamamagitan ng mas mababang bayarin sa buwis, subalit milyun-milyong Pilipino na walang trabaho ang nagdurusa sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin na epekto ng mas mataas na buwis sa diesel.
May iba pang probisyon ng Comprehensive Tax Reform Program ang nakatakdang pagtibayin at gawing batas sa TRAIN 2 at sa iba pang mga panukalang kaugnay nito. Tiyak na pasisiglahin ng mga ito ang Gross Domestic Product ng bansa, na inaasahang lolobo sa pitong porsiyento. Subalit maging ang mga ito ay dapat na limiing mabuti dahil na rin sa hindi inaasahang 4.5 porsiyentong pagtaas sa inflation rate, na ramdam na ramdam ngayon ng publiko.