Nasa P15,600 halaga ng cash, gadget at alahas ang tinangay sa dalawang lalaki matapos nilang lisanin ang kanilang bahay nang hindi ikinakandado sa San Andres Bukid, Maynila, nitong Miyerkules.
Kinilala ni PO2 Rey Rabut ang mga suspek na sina Vergilio Paglinawan, 27, ng San Andres Bukid, Maynila; at Alexander Atienza, 19, ng nasabi ring lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon, matutulog na ang biktimang si Kevin Gole, 25, ng Onyx Street, San Andres Bukid, Maynila nang lumabas ang kanyang kapatid na si Nonito Gole, 32, at iniwang hindi nakakandado ang main door.
Habang naglalakad pauwi, nagkasalubong umano sina Gole at Atienza sa kalsada habang hawak ng huli ang pamilyar na cell phone. Pagdating sa bahay, agad ginising ni Gole ang kanyang kapatid nang mapansing nawawala ang ilan nilang gamit, kabilang ang cell phone at wallet na naglalaman ng bracelet, kuwintas at pera.
Nagpasaklolo ang mga biktima sa awtoridad mula sa Barangay 775 Zone 84 upang matunton ang mga suspek.
Makalipas ang ilang minutong paghahanap, namataan ng mga biktima, kasama sina barangay officials Roberto Cudal at Manuel Arojado, ang mga suspek sa Zobel Roxas St., San Andres Bukid at inaresto.
Nabawi ng awtoridad ang cell phone na nagkakahalaga ng P12,000. Gayunman, ang mga alahas na nagkakahalaga ng P3,000; at P600 cash ay hindi nabawi mula sa mga suspek, na kapwa nakatakdang kasuhan ng theft.
-Hans Amancio