Nanindigan si Senate President Aquilino Pimentel III na hindi pa dapat payagan ng gobyerno ang pagpapadala ng household service workers (HSWs) sa Kuwait kahit na ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte na alisin ang total deployment ban ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Gulf state.
“Total ban can and should be lifted BUT we still have to observe a limited ban on sending household service workers to Kuwait. Let us allow the sending of engineers, managers, drivers, construction workers, etc., but not HSWs,” diin ni Pimentel sa kanyang text message kahapon.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na inatasan ni Pangulong Duterte si Labor Secretary Silvestre Bello III na lubusan nang alisin ang deployment ban sa OFWs sa Kuwait batay sa rekomendasyon ni Special Envoy to Kuwait Abdullah Mamao, na kausap ng Kuwaiti officials.
Ito ay matapos ipag-utos ni Duterte ang partial lifting ng ban, na nagpapahintulot sa pagpapadala ng skilled at semi-skilled workers sa bansang Arab.
Sa pag-alis ng total ban, maaari na ngayong muling magtrabaho sa Kuwiat ang mga kasambahay o household workers.
Nauna rito ay umapela si Pimentel sa gobyerno na iprayoridad ang pagpapadala ng skilled workers sa Kuwait, sa halip na HSWs na “most vulnerable to abuse.”
Pinuri naman ni Sen. Joel Villanueva ang pag-alis sa total deployment ban ng OFWs sa Kuwait.
“We welcome the President’s order to totally lift the deployment ban of overseas Filipino workers to Kuwait,” ipinahayag niya kahapon.
Sinabi ni Villanueva, chair ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, na nakipagpulong siya kay Secretary Bello nitong Martes at tiniyak nito sa kanya na “our OFWs will have better working conditions” sa Gulf state, kasunod ng paglalagda kamakailan sa memorandum of understanding (MOU) para sa proteksiyon ng mga mangagawang Pinoy sa Kuwait.
Ipinaliwanag sa kanya ni Bello na ang paglikha ng OFW Hotline na bukas 24/7 “is one tool to better assist our kababayans who want to seek help in Kuwait.”
Gayunman, muling umapela si Villanueva sa gobyerno na i-”professionalize” ang HSWs upang matiyak na mapapanindigan nila ang kanilang mga karapatan sa pupuntahang bansa sa ilalim ng International Labour Organization Convention 189 on Domestic Work, na aktibong ikinampanya ng Pilipinas.
-VANNE ELAINE P. TERRAZOLA