Sinabi kahapon ni Sen. Gregorio B. Honasan II na hindi siya pipirma sa ipinapaikot na resolusyon para hilingin ang lagda ng kanyang mga kasamahan sa 24-member Senate na umabuso ang Supreme Court sa kapangyarihan nito nang patalsikin si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan lamang ng quo warranto petition.

Sinabi ni Honasan, chairman ng Senate national defense and security committee, na pagsasabungin lamang ng panukalang resolusyon ang Senado at Supreme Court.

Kaya’t nakikiisa siya kina Senate Majority Leader Vicente Sotto III at Sen. Panfilo Lacson na tumangging pumirma sa resolusyon.

‘’I would not support any resolution to that effect because I do not want to interfere with the Judiciary. If indeed there is a resolution signed by a majority, the resolution would be debated on the Senate floor,’’ punto niya.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Ang resolusyon na isinusulong minority group ay naninindigan na tanging ang Senado ang maaaring mag-impeach kay Sereno sa pamamagitan ng impeachment trial.

Sinabi ni Senate Minority Leader Franklin M. Drilon na mayroong 13 hanggang 14 senador ang lalagda sa resolusyon batay sa kanilang mga pahayag sa isyu.

‘’The issue is not yet resolved. Ayaw mo makihalo. I am not inclined to pit the Senate against the Supreme Court even as it is still hanging at the House of Representatives. I am not taking sides,’’ sinabi ni Honasan sa Senate reporters kahapon.

Hindi pa naghahain si Sereno ng motion for reconsideration para muling ikonsidera ng kanyang mga kasamahan sa SC ang kanilang mga desisyon na patalsikin siya sa puwesto.

Hindi rin malinaw kung ano ang susunod na hakbang ng Senado kapag nakalikom na ng sapat na pirma.

Batay sa Constitution, pantay-pantay ang kapangyarihan ng Executive, Judiciary at Legislative branches ng pamahalaan.

-Mario B. Casayuran