Nilinaw ng Malacañang na walang diskriminasyon ang gobyerno laban sa kababaihang naglilingkod sa pamahalaan, kasunod ng kontrobersiya sa huling pahayag ni Pangulong Duterte na umano’y kontra sa pagiging babae ng susunod na Supreme Court Chief Justice (CJ).

Una nang inihayag ng Pangulo na hindi siya magtatalaga ng babae sa nasabing posisyon nang tanungin siya ng mga mamamahayag tungkol sa napipisil niyang pumalit sa napatalsik na Punong Mahistrado na si Maria Lourdes Sereno.

“Unang-unang, I will clarify kung sinabi talaga ng Presidente ‘yun,” sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa press briefing. “Pero sa aking pagkakaalam po wala naman pong diskriminasyon against sa kababaihan. Kahit sino po puwedeng ma-appoint sa ating gobyerno.”Ito ang naging pahayag ni Roque makaraang ihayag kamakailan ni Duterte ang mga kuwalipikasyon ng susunod na Chief Justice makaraang mapatalsik sa puwesto si Sereno sa bisa ng kinatigang quo warranto petition.

“Gusto ko ‘yung bilib ang tao sa integrity niya. Of course it could not be a politician lalo na hindi babae,” sinabi ng Pangulo sa mga mamamahayag sa Palasyo nitong Miyerkules.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“Ang pagkakaintindi ko kasi ang diskusyon was on the Ombudsman so hindi ko na narinig ang tanong sa CJ,” paglilinaw ni Roque. “Kasi ‘yung konteksto ng pagkakarinig ko was ‘Tatanungin ko sa Ombudsman pero hindi sa babae, hindi kay Conchita Morales’. Ang pagkakaintindi ko hindi niya tatanungin si Conchita Morales kung sino ang gusto niyang pumalit.”Kinumpirma naman ni Roque na ang pipiliin ni Duterte bilang bagong Ombudsman ay magmumula sa shortlist ng mga nominado na isusumite ng Judicial and Bar Council (JBC).

Nang tanungin kung may napipisil na siya bilang bagong Ombudsman, sinabi ng Pangulo na kailangan pa niya itong ikonsulta.

“I’ll have to consult everybody. I will even have to consult the Ombudsman people, not Morales. And marami, para sigurado ‘yung gusto ng tao,” ani Duterte.

-Genalyn D. Kabiling, ulat ni Beth Camia