Kinumpirma kahapon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na 60 sa 207 opisyal ng barangay na napabilang sa “narco list” ang nahalal sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections nitong Lunes.

Ayon kay PDEA Director-General Aaron Aquino, 36 na chairman at 24 na kagawad sa nasabing listahan ang nanalo sa halalan.

Sa kabila nito, tiniyak ni Aquino na magpapatuloy ang case build-up ng PDEA laban sa 60 opisyal, at maging laban sa mga talunang kandidato na nasa listahan.

Sinabi rin ni Aquino na nagamit din ang drug money sa pamimili ng mga boto sa ilang lugar.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Matatandaang sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ay isinapubliko ng PDEA ang listahan ng daan-daang opisyal ng barangay na sangkot umano sa ilegal na droga, at ilan sa mga ito ay kandidato rin sa nakalipas na eleksiyon.

Depensa naman ng Malacañang, isinapubliko ng PDEA ang nasabing listahan “to help guide voters to choose wisely”, sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

-CHITO A. CHAVEZ