PATULOY na sinusubaybayan hindi lamang ng sambayanan ngunit maging ng buong mundo ang mga kaganapan sa Isla ng Boracay.
Kilala bilang world class island paradise ang Boracay kaya maraming banyaga ang nangangarap na makatuntong doon.
Subalit sa nangyaring pagsasara ng isla sa mga turista ay marami ang nabigla dahil nakaplano na sana ang kanilang pagbabakasyon sa Boracay ngayong summer season.
Sa halip na nagpipiyesta, ang may ari ng mga hotel at resort at maging ang mga lokal na residente ay mistulang nagluluksa dahil sa kamalasan.
Sino ba naman ang mag-aakala na pupuntiryahin ito ng gobyerno bagamat marami pang ibang tourist destination ang mas marumi sa Boracay ngunit hindi naman iniintindi nang sino man?
Ganyan talaga ang buhay, maraming sorpresa.
Subalit imbes na maging lugmok at manisi ng kung sinu-sino, ang nararapat gawin ng publiko ay harapin ang mga hamong idinulot ng massive clean-up and reformation ng Boracay Island.
Kaliwa’t kanan ang ginagawang pag-uulat ng media sa mga kaganapan sa isla tulad ng paglilinis ng mga basura, paggiba sa mga ilegal na istruktura, pagsasara ng mga pasaway na resort, at iba pa.
Ngunit may narinig o nabasa na ba kayo kung ano ang plano ng mga awtoridad sa iba’t ibang uri ng transportasyon na nagdulot din ng pagsisikip sa nag-iisang kalsada sa Boracay?
Marahil ay wala pa.
Nitong nakaraang linggo, pinulong ng mga nasa likod ng Boracay clean up ang mga lider ng transport group sa isla at inilatag na nila ang mga bagong polisiya sa pagpapahintulot makabiyahe ng mga sasakyan sa gapiranggot na lugar.
Unahin natin ang mga tricycle. Simula ngayong Agosto, ang mga tricycle na tumatakbo sa electric motor ang papayagang makabiyahe sa isla. Magpapatupad ng total phase out ang mga awtoridad laban sa mga tricycle na de-gasolina.
At dahil karamihan sa mga ito ay nagtataglay ng 2-stroke engine na mausok, kaya maituturing na perwisyo sa kalikasan.
Ang mga hotel at resort ay papayagan lamang na magkaroon ng tig-2 service van upang sumundo ng mga turista sa mga daungan ng bangka.
Hindi na rin papayagan mag-ikot sa isla ang mga golf cart na karaniwang ginagamit ng mga mayayamang indibiduwal.
Maging ang mga cargo truck ay hindi na rin makapapasok sa isla mula sa Caticlan upang maglipat ng mga construction material.
Ngayon, hindi pa rin napapag-usapan kung ano ang mangyayari sa daan-daang motorsiklo na naglipana sa Boracay Island.
Hintayin ang susunod na kabanata.
-Aris Ilagan