NILAGDAAN ng Department of Finance (DoF) at ng Japan International Cooperation Agency (JICA) nitong Martes ang kasunduan na nagkakaloob ng P970 milyong pondo para sa rehabilitasyon at konstruksiyon ng Marawi City at ng mga kalapit nitong komunidad.
Ang kasunduan ay nilagdaan nina Finance Secretary Carlos Dominguez III at JICA Chief Representative to the Philippines Yoshio Wada.
Sa seremonya, ibinahagi ni Dominguez na ito na ang ikaapat na donasyong ibinigay ng gobyerno ng Japan para suportahan ang pagsasaayos ng Marawi City.
Ang unang donasyon ng Japan ay ang dalawang milyong dolyar na ayuda sa pamamagitan ng United Nation Children’s Fund and World Food Programme noong Hulyo 2017.
Sa idinaos na ASEAN Summit sa bansa noong Nobyembre 2017, nagbigay din ang gobyerno ng Japan ng mga construction equipment para sa clearing operation sa Marawi tulad ng excavators, bulldozer, at mga truck.
Habang noong nakalipas na Marso, nilagdaan ng gobyerno ng Pilipinas at ng Japan ang $9.8 milyon ayuda para shelter at livelihood assistance package.
Nasa $36 million na ang kabuuang halaga na ipinagkaloob ng gobyerno ng Japan sa Pilipinas upang matulungan ang Marawi.
“As of April 2018, the Philippine government has identified 902 priority projects and activities for the rehabilitation and recovery of Marawi City and its surrounding areas,” ani Dominguez.
“All of these has an estimated cost of PHP55 billion or roughly USD2.86 billion,” dagdag pa niya.
Ayon kay Dominguez, 47 porsiyento ng pondong kakailanganin sa rehabilitasyon ng Marawi ay manggagaling sa pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, habang kabilang sa iba pang pagmumulan ng pondo ang pamahalaan sa pamamagitan ng mga ahensiya nito, mga LGUs, NGOs, mga katuwang sa pagsasaayos at mga pribadong sektor.
Sinabi pa ng Kalihim na maaaring maglabas ang gobyerno ng retail bonds para sa lokal at internasyunal na pamilihan upang makapangalap ng pondo na susuporta sa pagsasaayos ng Marawi.
Samantala, inihayag naman ni Housing and Urban Development Coordinating Council and concurrent Task Force Bangon Marawi chairman Eduardo del Rosario na binabalak ng pamahalaan na masimulan na sa darating na Hunyo 16 ang proyektong rehabilitasyon ng Marawi.
PNA