Ipinagmalaki ng Metro Rail Transit (MRT)-Line 3 na mahigit tatlong linggo nang hindi nakararanas ng aberya ang mga tren nito.

Ayon kay Aly Narvaez, ng media affairs ng MRT-3, walang naranasang aberya ang MRT-3 sa nakalipas na 22 araw, na isang magandang balita para sa mga pasahero nito.

Nabatid na ito na ang pinakamatagal na panahon na walang aberya ang pinakaabalang mass transport, batay sa record ng MRT-3 simula 2011, o sa loob ng halos pitong taon.

Masaya ring inihayag ni Narvaez na umabot na sa 18 ang mga bumibiyaheng tren ng MRT sa nakalipas na linggo, ang pinakamaraming napaandar nito simula Nobyembre 2017.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Matatandaang dumami ang bumibiyaheng tren ng MRT sa pagdating ng mga bagong spare parts at sa isinagawang general maintenance sa mga tren nito noong Semana Santa.

Sinabi pa ng Department of Transportation (DOTr) na sa Hunyo ay pipirma na ang kasunduan ang kagawaran sa Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa P16.9-bilyon rehabilitasyon ng mga tren ng MRT, na posible umanong abutin ng hanggang tatlong taon.

-Mary Ann Santiago