SUNUD-SUNOD ang pa-presscon ng Film Development Council of the Philippines na pinamumunuan ni Ms. Liza Diño para sa napakaraming projects nila kaya hindi maiwasang may mga nagtatanong tungkol sa malaking pondong ginagamit para sa mga ito.
May nagkuwento sa amin na sadyang ginagamit ni Ms. Diño ang pondo na nakalaan sa FDCP para para malaman na may nagagawa siya kumpara mga dating nakaupo na wala na lamang napabalitang accomplishments.
Nahihingan din ng tulong ang hepe ng FDCP para sa pamasahe ng mga artista at filmmakers na naiimbitahan sa ibang bansa bilang kinatawan ng kani-kanilang pelikula.
Natatandaan namin na nagbigay ng P80,000 ang FDCP para sa plane ticket ni Direk Prime Cruz nang maimbitahan ang Ang Manananggal sa Unit 23B sa ibang bansa noong 2017.
Aware naman si Ms. Diño sa mga tsismis tungkol sa pondo lalo na’t maraming ahensiya ng gobyerno ang nasisilop ngayon ng Commission on Audit, at nakahanda siyang ipakita ang libro ng FDCP anumang oras.
“It’s important for us to be vigilant and transparency is very important. Open kami kaya lang meron kasing iba na malicious na kahit naman diretso ang ginagawa mo, nakakahanap at naghahanap ng mali.
“We’re open to those who does not have malicious intent in looking into our books, pero halimbawa lang kung ang gusto mo ay pabagsakin at punahin ang FDCP, ay ibang usapan na ‘yon,” sabi ni Ms Diño.
Aniya, walang nawawaldas na pondo ang FDCP.
“Number one, it’s our mandate. Number two, nasa mandate namin sa FDCP to promote Philippine cinema in domestic and foreign market. To promote Philippine cinema in local and international film festivals. Doon pa lang, justified na iyong mga ginagawa namin. Wala naman kaming junkets. I can attest to that, sampu ng mga filmmakers na kasama namin na nagtratrabaho kami at walang pahinga pagdating namin doon.”
Ang pinagkakaabalahan ngayon ni Ms. Diño ay ang nalalapit na Pista ng Pelikulang Pilipino na gaganapin sa Agosto, na walang foreign movies na ipalalabas para bigyang-daan ang local films.
-Reggee Bonoan