ANG darating na 2018 PBA All-Star week ay magiging isang kakaibang karanasan para kay Rain or Shine big man Beau Belga.

Belga

Belga

Ito’y makaraang mapabilang ang hulking center ng Elasto Painters sa 12 mga kalahok sa Obstacle Challenge na isa sa mga tampok na side event sa All-Star na sa unang pagkakataon ay paglalabanan ng mga big men na magpapakitang gilas sa kanilang husay sa dribbling, passing, at shooting skills sa pinakamabilis na oras na kaya nila.

Ayon kay Belga , ngayon lamang sa buong buhay niya gagawin ang skills challenge na karaniwang ginagawa ng mga guards.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Never, hindi pa. Kaya nagulat nga ako na ganun yung format nila ngayon,”ani Belga na sasabak sa special side events na gaganapin sa second leg All-Star extravaganza sa Batangas City sa Mayo 25.

“Siguro para maiba lang, makikita mo yung mga big men na nagdi-dribble, pumapasa, nagko court-to-court. Kaya tingin ko magiging masaya itong All-Star.”

Bukod kay Belga, ang iba pang kalahok sa event ay sina Kelly Nabong (GlobalPort), Raymond Aguilar (Barangay Ginebra), Sonny Thoss (Alaska), JP Erram (Blackwater), Russell Escoto (Columbian Dyip), Ken Bono (Meralco), Justin Chua (Phoenix), Aldrech Ramos (Magnolia), Yancy de Ocampo (San Miguel), Yousef Taha (TnT Katropa), at dating MVP Asi Taulava (NLEX).

“Marunong naman akong mamasa, pero dribbling na zigzag, never ko pa na try,” ayon pa kay Belga. “Nakaka pagdala ako ng bola ng straight lang, pero zigzag hindi pa.”

Nagdadalawang isip din siya kung pag-eensayuhan nito ang kompetisyon.

“Kasi baka pag nag practice ka naman ng nag practice, baka lalo ka lang maging stiff (sa competition). So bahala na kung ano ang kalagyan,” aniya.

Pumayag din si Belga na lumahok sa event para sa kasiyahan ng mga PBA fans.

“Ang akin lang naman yung mapasaya ang fans ng PBA,” pahayag ni Belga. “Para sa fans yung All-star weekend and para sa kanila gagawin namin yun.”

Bukod sa Obstacle course, ang iba pang side events na paglalabanan ay ang Slam Dunk contest at Three-Point shootout sa All-Star week na sisimulan sa Mayo 23 sa Digos, Davao del Sur at magtatapos sa Iloilo sa Mayo 27.

-Marivic Awitan