TIYAK na papasok sa world rankings si WBC Youth Intercontinental lightweight champion Romero “Ruthless” Duno kung tatalunin si dating interim WBC Youth lightweight titlist Gilberto “Flaco” Gonzalez ng Mexico sa sagupaan sa Mayo 17 sa Fantasy Springs Resort Casino sa Indio, California sa United States.
Ito ang ikaapat na laban ni Duno sa Amerika matapos makalasap ng unang pagkatalo sa puntos kay undefeated Mikhail Alexeev noong 2016 sa Ekaterimburg, Russia.
Maraming ginulat si Duno nang patulugin ang boksingero ni six-division titlist Oscar de la Hoya ng Golden Boy Promotions na dating walang talong si Christian “Chimpa” Gonzalez noong 2017 bago magkasunod na tinalo sina Mexican veterans Juan Pablo “Lagarto” Sanchez at Yardley Armenta Cruz.
Kung magwawagi, tiyak na papasok sa WBC rankings si Duno at mapapansin ng iba pang samahan sa boksing dahil sa kanyang sunod-sunod na panalo.
Gusto namang manalo ni Gonzalez isang taon matapos siyang talunin sa puntos ng Pilipino ring si three-time world title challenger Mercito “No Mercy” Gesta.
“I’m excited to return to the U.S. and go up against a notable Filipino opponent like Romero Duno,” diin Gonzalez sa BoxingScene.com. “It’s been more than a year since I’ve been in the ring, and the time off has given me extra motivation. I hope to give the fans a great show.”
May rekord si Duno na 16 panalo, 1 talo, 14 sa pamamagitan ng knockouts gayong si Gonzalez ay may kartadang 27-4-0 na may 22 panalo sa knockouts.
-Gilbert Espeña