Iginiit ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Assistant Secretary Tingagun Umpa na “demolition job” ang kurapsiyong ibinibintang sa kanya, na pakana umano ng mga tiwaling pulitiko matapos niyang “refused to negotiate” sa mga ito.
Matatandaang isa si Umpa sa dalawang assistant secretary na pinagbibitiw sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes, dahil umano sa kurapsiyon.
Sinabi ng Malacañang na “investigation conducted by the DPWH indicates that Asec Umpa committed grave abuse of power and may have committed also acts of corruption, among others. DPWH has sworn statements where Asec Umpa allegedly asked from contractors in the ARMM area for certain percentages from projects awarded to these contractors.”
Gayunman, ibinuhos ni Umpa sa kanyang social media ang kanyang pagkadismaya, at sa kanyang public posts ay isiniwalat niyang ang mga “politician na contractor na corrupt” ang nasa likod ng alegasyon upang mapatalsik siya sa puwesto.
“I want to clear my name, kayong mga politician na contractor na corrupt dahil sa katiwalian n’yo, ako pa ngayon ang corrupt,” sabi ni Umpa.Idinagdag niya na ang mga corrupt na opisyal, na hindi niya pinangalanan, ang dapat imbestigahan at pagbitiwin sa puwesto. “I need justice,” sabi niya.
“Investigate the projects. Sino ngayon ang corrupt? Dahil ayoko (ng) negotiation kaya naunahan nila ako. Dapat kayo (ang) mag-resign,” pagpapatuloy ni Umpa.
Hinikayat din ng opisyal ang Malacañang na imbestigahan ang lahat ng corrupt na opisyal ng DPWH, gayundin ang mga kongresistang nagsisilbi ring contractors.
“I’m calling the attention of Malacañang to investigate all DPWH officials and all congressmen who are contractors. I want to expose corrupt congressmen and corrupt DPWH officials. Demolition job kayo,” giit ni Umpa.
Sa kanyang Facebook account, nag-post si Umpa nitong Martes ng kanyang public statement.“Today is my mandatory vacation leave but I forced myself to attend the Task Force Bangon Marawi meeting for the sake of Maranaw kababayan but it was so sad I was called for a bad news from Malacañang to resign because of an affidavit executed by corrupt Maranaw contractors connived by corrupt DPWH Maranaw project engineer which I questioned to be investigated supposedly under my office. Let justice prevail,” pahayag ni Umpa.
-BETHEENA KAE UNITE