NAGKASUNDO ang Pilipinas at Kuwait na wakasan na ang alitan na pansamantalang nagdulot ng pangambang pagkabuwag sa matagal nang ugnayan ng dalawang bansa. Nitong Biyernes, nilagdaan ng magkabilang panig ang Memorandum of Agreement na nagpapabuti sa kalagayan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait at nagbibigay din sa kanila ng proteksiyon sa batas.
Napagkasunduan ng dalawang bansa na magtulungan upang pagtibayin ang polisiya, sistema at proseso ng ethical recruitment na pumapatungkol sa kanilang batas at regulasyon. Naglaan din ang kasunduan ng mekanismo para sa inspeksiyon at pagbabantay sa antas ng pangangalaga na naibibigay sa mga domestic workers. Isa sa partikular na probisyon na ikinatuwa ng mga Pilipinong manggagawa ang pagpapahinto sa ginagawang pagsamsam ng amo sa passport ng kanyang manggagawa.
Ang Kuwait at ang iba pang bansa sa Gitnang Silangan ay matagal nang naging kanlungan ng mga Pilipinong manggagawa, marami sa kanila ang nagtatrabaho sa malalaking plantasyon ng langis na naging malaking tulong sa mga bansang ito upang lubos na umangat ang kanilang ekonomiya. Marami ang mga propesyunal na nagtatrabaho sa Kuwait bilang doktor, nars, guro, enhinyero, mga dalubhasa sa computer—ngunit marami rin ang domestic workers. Isa itong symbiotic na relasyon. Nangangailangan ang mga bansang ito ng manggagawa para sa kanilang mga ospital, paaralan, pabrika, negosyo, at mga bahay. Kailangan naman ng trabaho ng ating mga mamamayan.
Nagbigay ito ng pagtaas sa ‘Filipino diaspora’—ang pagkalat ng mga Pilipino sa pinakamalalayong sulok ng daigdig, na nagtatrabaho sa iba’t ibang sitwasyon. Nakapagpapadala sila ng pera para sa kanilang naiwang pamilya at nagbibigay din ito ng benepisyo sa pamahalaan ng Pilipinas mula sa mga remittances na nagbubunsod ng mas malaking kita para sa bansa.
Nang ipahinto ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakaraang buwan ang pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait dahil sa kaso ni Demafelis, agad na pinahanap ng Kuwait at kamakailan ay hinatulan ang Lebanese at asawa nitong Syrian na pinaniniwalaang pumatay sa domestic helper. Matapos nito’y ilang empleyado naman ng embahada ng Pilipinas ang tumulong sa ilang OFW na makatakas at nag-post ng video na nagkukuwento ng kanilang tagumpay. Gayunman, nilabag nito ang batas ng Kuwait at pinatalsik ng bansa ang embahador ng Pilipinas. Tinugunan naman ito ni Pangulong Duterte sa tuluyang pagbabawal ng OFW sa Kuwait.
Sa paghupa ng tensiyon, nabatid ng Pilipinas at Kuwait na kailangan nito ang isa’t isa. Dahil dito, muling bumuo ng bagong Memorandum of Agreement at nilagdaan nitong Biyernes.
Ang sunod na hakbang ng ating Department of Foreign Affairs ay usisain ang kasalukuyan nating relasyon sa iba pang mga bansa na tumatanggap ng mga OFW, suriin ang kalagayan ng mga manggagawa at alamin kung saan pa higit na makatutulong ang gobyerno sa kanila. Ang isang kasunduan na kahalintulad ng nilagdaan natin kasama ng Kuwait ay maaari rin kailanganin sa iba pang mga bansa at dapat na masimulan ito bago pa muling magkaroon ng isa pang kaso na gaya ng kay Demafelis.