Pinalaya na kahapon ng mga kidnapper ang dalawang pulis-Zambonga na dinukot sa Sulu nitong nakalipas na buwan.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde.
Malaking tulong, aniya, sa pagpapalaya sa dalawang babaeng pulis ang pamamagitan ng mga lokal na opisyal at mga community leader sa lalawigan.
“They were released to the people closed to Governor Sakur Tan,” sinabi ni Albayalde, na ang tinutukoy ay sina PO2 Benierose Alvarez at PO1 Dinah Gumahad.
Ang dalawang pulis ay dinukot ng mga hindi nakilalang lalaki sa Patikul, Sulu nitong Abril 29, kasama sina Jacksalem Blas at Faizal Ahidji.
Pinakawalan si Ahidji nitong Mayo 7, habang na-rescue naman si Blas makalipas ang ilang araw.
Hindi binanggit ni Albayalde kung nagbayad ng ransom ang dalawang pulis, dahil nauna nang humihingi ng P5 milyon ang mga kidnapper.
-Aaron Recuenco