Ni Leslie Ann G. Aquino at Mary Ann Santiago

Hanggang Hunyo 13 na lang maaaring maghain ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ang lahat ng kumadidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections nitong Lunes.

Nilinaw din ng Commission on Elections (Comelec) na hindi lamang ang mga nanalo at natalo ang dapat na maghain ng SOCE, kundi maging ang mga nadiskuwalipika.

“Winners, losers, or even disqualified candidates must file their SOCEs,” sabi ni Comelec Spokesman James Jimenez. “As long as you filed your Certificate of Candidacy (COC), you must file your SOCE.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Abril 13 nang inilathala ng Comelec Campaign Finance Office (CFO) sa website nito ang listahan ng 105 kandidato na idineklara ng komisyon na habambuhay nang nadiskuwalipika sa paglilingkod sa gobyerno dahil sa paulit-ulit na pagkabigong maghain ng SOCE.

Batay sa Section 14 ng R.A. 7166, inoobliga ang paghahain ng SOCE, at hindi maaaring maglingkod ang nahalal hanggang hindi siya nakakatupad.

Maaaring ma-download ang SOCE form sa www.comelec.gov.ph.

Kasabay nito, kinumpirma kahapon ng Comelec na nasa 94.01% na kabuuang 42,044 na barangay sa bansa ang nakapagproklama na ng mga nanalong kandidato.

“Overall, malapit na matapos (ang proklamasyon ng mga nanalo). Hopefully, by 8:00 p.m. tonight (Martes), tapos na tayo. If not, very close,” sinabi ni Jimenez kahapon ng hapon.