Nina Fer Taboy at Jun Fabon

Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang mga botante na i-post sa social media ang mga naranasang iregularidad sa katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataan election.

Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. John Bulalacao, kahit tapos na ang halalan ay aaksiyunan pa rin ng pulisya ang mga ito.

Partikular na tinukoy ni Bulalacao ang mga insidente ng vote buying.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Una nang nagbabala si DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na kahit na nanalo sa halalan, puwede pa ring tanggalin sa puwesto ang mga opisyal ng barangay na mapatutunayang sangkot sa vote buying.

Ayon pa kay Bulalacao, ang mga social media post ay maaaring gamiting ebidensiya laban sa mga sangkot sa vote buying.

Aniya, mangangalap ng ebidensiya ang PNP Cyber Crime Group (ACG) laban sa mga kandidatong lumabag sa election rules base sa mga social media post ng mga netizen.

Kaugnay nito, nanawagan ang Commission on Elections (Comelec) sa publiko na agad maghain ng reklamo laban sa mga nagtangkang mamili ng kanilang mga boto.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, hindi uusad ang mga kaso kung hindi magsasampa ng reklamo ang mga residente.

Base sa report, sa mismong araw ng halalan ay nakuhanan ng larawan, na ibinahagi sa social media, ang ilang insidente ng pamimigay ng mga kandidato ng pera at grocery sa mga botante.