ANG Vietnam, tulad ng Pilipinas at ng iba pang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), ay nagpasyang piliin ang policy of cooperation sa China. Lahat tayo ay umaasa sa “Code of Conduct” bilang gabay ng bansa sa South China Sea (SCS). Inialok ito ng China sa layuning maiwasan ang sigalot, ilang taon na ang nakalilipas. Gayunman, nanatili ito nang walang anumang probisyon, samakatuwid ay hindi naipatupad.
Matapos ikabit ng China ang mga missile nito sa apat na isla sa SCS—isa sa Paracel na malapit sa Vietnam at tatlo sa Spratlys na nasa kanluran lamang ng Palawan, naglabas ang Vietnamese foreign ministry ng maingat na diplomatikong pahayag: “Vietnam requests that China, as a large country, show its responsibility in maintaining peace and stability in the East Sea, do not carry out militarization activities, withdraw military equipment illegally installed on features under Vietnam’s sovereignty.”
Tinutukoy nito ang instalasyon ng China ng surface-to-air missile at anti-ship missile sa mga isla na itinuturing ng Pilipinas at ng Vietnam na pag-aari na inaangkin din ng China kabilang ang halos buong bahagi ng SCS, na nakasalig sa sinasabi nitong historic sovereignty.
Ang pahayag ng Vietnam ay nilikha sa pamamagitan ng isang kahilingan sa China, na sumasamo sa responsibilidad nito bilang isang malaking bansa. Hindi ito isang protesta, reklamo, o pagtuligsa. Ito ay isang pahiwatig ng pagkabahala sa militarisasyong isinasagawa na nararapat sanang iwasan sa panukalang Code of Conduct.
Dati nang ipinahayag ni Pangulong Duterte na bago matapos ang kanyang termino sa 2020, apat na taon mula ngayon— ay kailangan niyang ideklara ang pagwawagi ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong 2016. Ibinasura ng Korte ang inihaing pag-angkin ng China sa kapangyarihan nito sa halos buong bahagi ng SCS. Subalit ipinasiya ng Pangulo na piliin ang policy of cooperation sa China, na nagdulot ng benepisyo sa ekonomiya sa ating bansa. Ngunit sa kabila nito, iginigiit ng ilang oposisyon na dahil sa kawalan ng aksiyon ay isinusuko na natin ang pagkapanalo sa The Hague.
Ang naging tugon ng Vietnam sa paglalagak ng mga missile ay upang pakiusapan ang China, bilang isang nakatatandang kapatid sa pamilya ng mga bansa sa Silangang Asia, na alisin ang mga missile na nakakabit sa mga isla na napakalayo sa mismo nitong baybayin. Maaari ring humingi ng katulad na pakiusap ang Pilipinas, kahalintulad na tugon, sa halip na wala man lamang tayong sagot na ipinapakita.