KUNG sa pangkaraniwang mamamayan ay bagong salita ang DEMORAHE, sa mga empleyado naman sa Bureau of Customs (BoC) ito ang salitang sumapaw sa dating bukambibig na TARA o ‘yung ilegal na pinagkakakitaan ng mga corrupt na empleyado sa “Adwana”.

Sa pagkakaintindi ko naman, matapos makipagkuwentuhan sa ilang negosyante na may nakabimbin na mga kargamento sa BoC, ang DEMORAHE ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing produkto na inaangkat pa mula sa ibang bansa – at ang pahirap na ito ay pinapasan ng mga CONSUMER o tayong pangkaraniwang mga mamamayan.

Ang isang halimbawa kung bakit maituturing na “pasang-krus ni Juan dela Cruz” ang tinatawag nilang DEMORAHE ay ito: Natatandaan pa ba ninyo ang biglang pagkawala sa merkado ng isang kilalang brand ng baby diaper na nagresulta sa pagpa-panic ng mga magulang na nasanay nang gumamit nito para sa kanilang mga anak?

Naipit kasi sa BoC ang mahigit 100 container ng produktong ito dahil biglang naging subject ng ALERT o kailangang mabusisi munang mabuti dahil ayon umano sa INTELLIGENCE REPORT ay baka may nakatagong kontrabando na gaya ng droga… Grabe ito, ‘wag naman sanang iasa na lamang sa tsismis na “intel info kuno” ang basehan ng ALERT ORDER – gamitin naman ninyo ang bagong biling mga gadget, na bilyun-bilyon ang halaga gaya ng X-Ray machine at scanner, upang hindi maging “hit or miss” ang pagtataas ninyo ng alert d’yan sa BoC.

Makaraan ang halos isang buwang kakapusan ng supply ng sikat na baby diaper, muli itong ibinalik sa merkado, ngunit mas mataas na ang presyo. Walang magawa ang mga pobreng mamimili na nasanay na sa produktong ito kundi kagatin ang idinagdag sa dating presyo!

Ang sinisisi ng mga negosyante sa pagtaas ng presyo ay ang DEMORAHE— na ang kahulugan ay kaukulang bayad para sa kargamentong nagtatagal sa terminal sa loob ng BoC compound kapag nagiging “subject of alert” ng BoC.

Matapos mabusisi ang mga kargamentong ito at mapatunayang wala naman palang kontrabando, saka pa lamang ito nai-release makaraan ang halos tatlong linggo, at matapos ding makapagbayad ng hanggang langit na presyo ng tinatawag nilang DEMORAHE… At sino naman ang nakinabang sa DEMORAHE na ito?

Hindi ang gobyerno – dahil ang naniningil ng DEMORAHE para sa kargamentong nagtatagal sa terminal sa loob ng BoC compound ay mga pribadong tanggapan gaya ng International Container Terminal Services Inc. (ICTSI), Asian Terminal Inc. (ATI) o Manila International Container Port.

Mantakin ninyo, ang bayad kada container na “naka-alert” ay mula P10,000 hanggang P12,000 araw-araw. Eh, papaano na kung gaya sa ngayon na maraming kargamento ang inaabot ng tatlong linggo bago tuluyang ma-release na wala naman palang dahilan para mai-alert…Kawawang mga negosyante, ngunit mas kawawa tayong mga mamimili!

Ang simpleng paliwanang hinggil sa DEMORAHE ay nanggaling kay Senator Panfilo “Ping” Lacson, nang may magtanong sa kanya hinggil sa kurapsiyon na nagaganap ngayon sa BoC: “At my end wala akong natatanggap na report. ‘Di TARA ang pinagkakakitaan ngayon doon. Ang DEMORAHE or threat na hindi agad mare-release o magtatagal kaya nagka-cough up ng whatever amount ang importer because nade-delay ang pag-release ng kanilang kargamento at tuloy nadadagdagan ang babayaran na

DEMORAHE. ‘Yan ang narinig kong anomaly sa BoC.”

Sang-ayon ako kay Senator Lacson – wala na ngang TARA, mas nasisiguro kong may mga KOMISYUNER (opisyal na kumukuha ng komisyon) mula sa mga nasisingil na DEMORAHE kaya ito ang kanilang pinag-iige!

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.