Ni Manny Villar
IPINAGDIWANG natin nitong Linggo ang Araw ng mga Ina. Sigurado akong marami sa atin ang sinamantala ang okasyon upang ipakita sa ating Nanay, Inay, Mom at Mommy kung gaano natin sila kamahal. Sa kolum na ito, nais kong magbigay-parangal sa lahat ng mga Pilipinang Ina na winasak ang nakagawian at matagumpay na napagsabay ang pagtatrabaho at pag-aalaga ng kanilang pamilya. Isa itong mahirap na tungkulin kaya nararapat lamang na saluduhan natin ang mga Pilipina para sa kanilang ‘sipag at tiyaga’ at pagmamahal para sa kinabukasan ng kanilang mga mahal sa buhay.
Higit itong makatotohanan sa mga overseas Filipino workers (OFW). Malaki ang sakripisyong ibinibigay ng mga inang OFW sa pag-iwan nila sa kanilang mga anak upang mag-alaga ng anak ng ibang tao. Hindi nila ito ninanais, ngunit minsan ay kailangan nila itong gawin upang maibigay ang pangangailangan ng kanilang mga anak—edukasyon, pagkain, at matitirahan.
May panahon noon na ang mga ina ay nakalaan lamang sa bahay, para maglinis at mag-alaga ng kanyang mga anak habang nagtatrabaho ang ama. Hindi na ito ang kaso sa ngayon. Pinatunayan na ng mga babae na kaya nilang gawin ang trabahong dati’y ekslusibo lamang sa mga lalaki. Dapat nating pahalagahan ang katotohanang may mga babaeng naglilingkod ngayon bilang bahagi ng militar at pulisya. Sa katunayan, ilan sa kanila ang nanguna sa Philippine Military Academy (PMA) sa mga nakalipas na panahon.
May kakabaihan din tayo na nahalal sa posisyon ng gobyerno. Maraming babae ang namumuno at nagtatrabaho sa iba’t bang negosyo at industriya. Marami rin ang kumikita sa pamamagitan ng pagmamaneho ng tricycle, jeep, taxi at mga TNVs. Ako ay umaasa na mas marami ring babae ang magiging negosyante—magsisimula ng kanilang sariling negosyo, na maaaring makapagbigay ng trabaho sa iba at kaunlaran sa kanilang mga pamilya.
Ayon sa 2017 Gender Statistics on Labor and Employment, nasa 28.6 porsiyento ang agwat ng Labor Force Participation Rate noong 2016. Mas mataas ito kumpara sa nakalipas na taon na may 27.2 % agwat. Noong 2016, ang Labor Force Participation Rate ng kababaihan ay nasa 49.3% kumpara sa kalalakihan na may 77.6%.
Isa sa mga kailangan pataasin ang partisipasyon ng kababaihan ay sa sektor ng konstruksiyon. Sa pamamagitan ng maraming programang pang-imprastraktura ng kasalukuyang administrasyon, mas maraming trabaho ang maiaalok sa mga Pilipinong manggagawa. Nararapat na may pantay na karapatan ang kababaihan pagtatrabaho sa konstruksiyon at maitataas ang kanilang kita para sa pamilya
Ang katotohan ay hindi madalas ikinokonsidera ang kababaihan sa gawaing konstruksiyon. Subalit kailangan natin silang bigyan ng pantay na karapatan sa gawaing ito. Matutugunan nito ang agwat sa trabaho at kailangang lakas-paggawa sa yumayabong na pag-unlad ng imprastraktura sa pribado at pampublikong sektor.
Sa katunayan, sa aming negosyo sinimulan namin ang proseso ng pagbibigay ng mas maraming trabaho sa kababaihan sa aming proyekto na may kinalaman sa konstruksiyon. Sa palagay ko’y mapapalakas nito ang kababaihan hindi lamang dahil sa matuldukan ang sabi-sabi na hindi bagay ang babae sa gawaing konstruksiyon ngunit dahil malaki ang maitutulong nito sa kanilang kita at sa maglaon ay para na rin sa pambansang ekonomiya.
Nagagalak din ako na hindi lamang nakasentro sa Metro Manila ang proyektong pang-imprastruktura ng Department of Public Works and Highways kundi sa buong bansa. Itinatag ng pamahalaan ang “Build, Build, build” program, gayundin ang “Link, Link, Link” nitong inisyatibo kung saan itatayo ang mga kalsada at tulay upang pagkonektahin ang mga isla sa Pilipinas (lalo na sa Visayas at Mindanao) upang magkaroon ng rural na pag-unlad. Sa pamamagitan nito ang pag-unlad ay mangyayari sa lahat ng rehiyon ng bansa.
Sa pamamagitan ng pagpapaliit ng agwat sa kasarian sa konstruksiyon, pinapayagan natin gawin ng kababaihan ang mga trabahong dati’y para lamang sa lalaki. Pinapalakas natin ang ating mga Pilipina upang makatulong sa pagbuo ng mas malakas na bansa.