SA bowling, tunay na hindi sagabal ang edad.
Pinatunayan ni Liza del Rosario, beterana sa international tourney, na hindi nawawala ang talento sa paglipas ng panahon, matapos gapiin ang mas nakababatang karibal sa all-Filipino final ng 2nd PBF Pagcor-Philippine International Open.
Nakopo naman ni Australian Sam Cooley ang men’s division nitong Linggo sa Coronado Lanes sa Starmall Mandaluyong City.
Naisalba ni Del Rosario, national team mainstay, ang hamon ng kasanggang si Rachelle Leon sa best-of-three championship match.
Winalis naman ng three-time Asian Bowling Federation Tour champion na si Cooley ang race-to-two series kontra Mike Chan ng Hong Kong para sa korona at premyong P500,000.
Pumangatlo si Cooley matapos ang round 2 finals sa 24 na naglabang keglers bago ginapi ang second-seeded na
si JP Macatula sa step-ladder championship at makamit ang pagkakataon na makaharap si Chan, ang No.1 qualifier.
Umiskor ng dalawang strikes si Cooley tungo sa 195-148 panalo.
Napuwersa naman si Del Rosario, miyembro ng women’s team na nagwagi ng silver medal sa Asian Indoor Games last year sa Turkmenistan, sa rubbermatch matapos makuha ni Leon ang panalo sa Game 2.
Nakopo ng 35-anyos na si Del Rosario ang panalo, 258-194. Kamakailan, naipahayag niya ang kahandaan na magretiro sa pagtatapos ng Kampanya sa Asian Games sa Agosto.