Ni BELLA GAMOTEA
WAGI bilang chairman ng Barangay Tambo ang maybahay ni Parañaque City Councilor Vandolph Quizon na si Jennifer Salimao Quizon, kilalang dating miyembro ng Sexbomb Dancers, nitong nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan Election.
Nasungkit ni Mrs. Quizon ang nasabing puwesto nang maungusan ang tatlong katunggali kasama ang kapatid ng dating barangay chairman na si Godofredo de Leon na yumao noong nakaraang taon at ang incumbent city councilor na si Ricardo Baez, Jr., na nasa huling term na sa isang taon.
Nanguna noon sa kagawad ng Bgy. Tambo ang humalili bilang chairman na si Mrs. Quizon kay Godofredo, kaya naobliga siyang tumakbo nitong barangay election sa ilalim ng partido ni Mayor Edwin Olivarez.
“’Di naman talaga dapat ako tatakbo. Sumakabilang buhay po ‘yong kapitan namin. As number one na kagawad, ako ‘yong nag-take-over sa kanya. Nandito na rin lang, ‘tinuloy ko na lang,” ani Mrs. Quizon.
Ang Barangay Tambo ang isa sa pinakamayamang barangay sa lungsod dahil nasasakupan nito ang world-class hotel and casino sa Entertainment City na nasa Manila Bay at malalaking negosyo sa Coastal Road.
Samantala, ang ama ni Mayor Olivarez na si Pablo ay muling naluklok bilang chairman ng Barangay San Dionisio laban sa dating kapitan na si Jun Rodriguez.
Si Rodriguez ay humabol sa paghahain ng certificate of candidacy (COC) nang i-extend ng Comelec ang filing ng COC.
Ang matandang Olivarez ay ama rin ng kasalukuyang 1st District Representative na si Eric.
Sa Barangay BF, landslide ang panalo ni John Paolo Marquez, anak ni dating Parañaque Mayor at actor Joey Marquez, at step-brother ng last termer chairman na si Jeremy Marquez.
Lahat ng kagawad sa ticket ni Paolo ay nagwagi o eight-zero laban sa grupo ni dating city councilor Florencia “Beng” Amorao. Lumamang ng 2,122 na boto si Marquez kumpara kay Amorao.