Ni Reggee Bonoan
MATAGAL nang sinasabi ni Coco Martin na sana’y matapos na ang network war dahil napakagandang makita o mapanood ang mga artista ng ABS-CBN at GMA 7 na magkakasama sa projects.
Kaya hindi na kami magtataka kung siya ang nag-reach out para makatrabaho si Vic Sotto at mangyayari ito sa Metro Manila Film Festival 2018.
Magsasanib-puwersa sa pelikula sina Coco at Vic na posibleng si Rodel Nacianceno (tunay na pangalan ni Coco) ang direktor.
Anyway, tinanong namin si Vice Ganda, na naroroon sa Los Angeles, California USA para sa series of shows Pusuan Mo Si Vice Ganda sa U.S. kung hindi na ba sila okay ni Coco at kung ayaw na niya itong makasama ito sa isang project.
“I would love to work with him again. Pero as far as I know, matagal na niyang naplano na tumandem with Bossing (Vic). There’s no problem though. That’s normal as actors to work with different artists. We’re still the best of friends,” sagot ng It’s Showtime at GGV host sa amin.
Samantala, nakarating din sa amin na hindi na si Joyce Bernal ang magdidirehe ng Metro Manila Film Festival entry ni Vice sa December, kaya inalam din namin ito sa TV host/actor/singer/producer.
“There’s nothing final yet. ‘Di ko pa po alam din ang napagdesisyunan ng Star (Cinema). I still haven’t confirmed anything from either Direk Joyce or Binibini. I’d know when I come back,” sagot niya.
Sinubukan naming tanungin si Binibining Joyce tungkol sa isyung ito, pero ang matipid niyang sabi, “’Di ako natuloy kay Vice.”
Hirit namin, e, sino na ang magiging direktor ni Vice na sa pagkakaalam namin ay kapado na nila ang isa’t isa.
“Okay na, iba (direktor) naman. Oks na ako,” sagot ni Direk Joyce.
Ayon sa tinanong namin sa Star Cinema, hindi pa final kung wala na si Direk Joyce sa MMFF project ni Vice.
Hmmm, lubhang abala talaga si Direk Joyce sa rami ng projects ng Spring Films na siya mismo ang nangangasiwa mula sa script hanggang sa editing, at iba pa.