Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Sinabi ni Pangulong Duterte na pinili niyang huwag na lang bumoto nitong Lunes sa unang Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa kanyang termino, dahil pawang kaibigan niya ang mga kandidato sa kanilang barangay.

Sa panayam sa kanyang pagdalaw sa burol ni dating Senate President Edgardo Angara sa Taguig City, sinabi ng Pangulo na mas mabuti pang hindi na lang siya bumoto upang hindi magkaroon ng pagdududa ang mga kandidatong pawang kaibigan niya kung sino sa mga ito ang hindi niya ibinoto.

“Purely political. Lahat ‘yang tumakbo kaibigan ko, [and] almost all were my supporters during the last election,” sinabi ni Duterte kahapon. “They would never believe na nagboto ako o hindi sa kanila, so tingin ko, the better option would really be to just skip the voting kasi ayaw kong magduda sila.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Aniya, pawang nakatulong ang nasabing mga kandidato upang manalo siya sa pagkapangulo noong 2016.

“To erase all suspicions in the mind of people who really helped me along the way, sabi ko hindi na ako pupunta,” aniya.

“I was busy, nagmo-monitor ako ng (sitwasyon ng halalan)... all over the Philippines in front of so many communication gadgets,” sabi pa ng Pangulo.

Boboto sana ang Pangulo sa Daniel Aguinaldo High School sa Davao City, at inihanda na ng paaralan ang upuang ginamit niya nang bumoto noong 2016 presidential polls upang muli niyang gamitin.

Napaulat na matapos upuan ni Duterte noong Mayo 9, 2016, itinabi ng paaralan ang nasabing upuan— na tinawag na “seat of victory”—at inilagay sa glass casing makaraang mahalal na presidente ang dating mayor ng lungsod.